WALA tayong masabi sa napakagalanteng paglalakwatsa, paglalamiyerda o paglilibad ni Cesar “Buboy” Montano.
Sa suma ng Commission on Audit (COA), umabot sa P2.277 milyones ang winaldas na pondo para sa mga biyahe ni Buboy bilang chief operating officer (COO) ng Tourism Promotions Board (TBP).
At alam ba ninyong ‘yang P2.277 milyones na ‘yan ay ginastos ni Buboy sa kanyang 14 beses na biyahe sa loob ng kanyang 91-araw sa kanyang tanggapan para makapaglibad sa Asia, Europe, Australia, at North America noong nakaraang taon.
‘Yan ay lumabas sa karugtong na pagsusuri ng COA matapos pumutok ang P80 milyones na “Buhay Carinderia” project ng TPB.
Ito ‘yung proyekto na planong paglaanan nang hanggang P320 milyones na hindi alam kung bakit kailangang gumastos nang ganoon kalaking pondo mula sa lukbutan ng sambayanan.
Alam ba ninyo na sa mga nabanggit na biyahe, dalawa roon ay gumastos ang gobyerno ng P594,000 na ibinayad para sa “business class” na pasahe sa eroplano.
Kung hindi tayo nagkakamali, limitado sa economy class ang biyahe ng mga opisyal ng pamahalaan.
Take note, hindi rin bumibiyahe mag-isa si Buboy. Isang buong team sila na binubuo ng 11 katao na karamihan ay pawang alalay ni Montano bilang mga ‘volunteer asungot.’
Maging ang kanyang Officer-in-Charge (OIC) Deputy for International Promotions ay nakapagwaldas din nang halos P2 milyon para sa 16 biyahe sa mga bansa sa Asia, Europe, Australia, at North America.
Ayon sa ilang source, napansin din ng COA na hindi simpleng pagkakamali o ignoransiya ang ginawang pagbibiyahe ng grupo ni Montano.
Napansin ng COA na sistematiko ang ginawang mga biyahe ganoon din ang paggasta ng Montano team.
Mantakin ninyo, P2.277 milyones ‘e one click lang kung gastusin ng grupo ni Buboy?!
Sino kaya ang ‘napakahusay’ na adviser ni Buboy at nagturo sa kanyang ‘maglibad’ at gamitin ang salapi ng bayan?!
Kung sino man siya, palagay natin ay dapat pagsikapan ni Buboy na maisama ang adviser na ‘yan sa asunto. Huwag siyang pumayag na siya lang mag-isa…
Hakhakhak!
EXTORTION
SA DOLE
BLACK OPS
VS BELLO?
NANINIWALA si Labor Secretary Silvestre Bello III na ang bintang sa kanyang siya ay nangikil ay gawa ng mga lihim na detractors na gusto siyang masibak sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Tahasang itinanggi ni Bello ang malisyosong asunto na inihain laban sa kanya sa Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) ng isang Alice Dizon ng Kilusang Pagbabago National Movement for Change.
Klarong-klaro umano na lumabas ang reklamo laban sa kanya nang mag-apply siya para sa puwesto sa Ombudsman.
Sa ulat ng Rappler sinabi ni Bello, “Nangyari ‘yan noong nag-apply ako noon [sa Ombudsman], baka gusto akong palitan [sa DOLE]. Ngayon, it happened na ganito naman, magkakaroon na nga ng desisyon ang JBC, maybe to [derail] my nomination,” kuwento ni Bello.
Ayon kay Dizon alam umano ni Bello ang P6.8 milyong hiningi sa Azzizzah Manpower International Corporation, isang overseas Filipino worker (OFW) recruitment agency.
Ayon sa complainant, ang babaeng lumagda sa affidavit ay si resigned DOLE Undersecretary Dominador Say na siya umanong nanghihingi ng kuwarta.
Ani Bello, ang ‘pirmadong affidavit’ ay nilagdaan nang hindi ito binabasa.
Si Paras ay konektado kay PACC Commissioner Manny Luna sa pamamagitan ng Volunteers Against Crime and Corruption.
Hayan, unti-unti nang lumilinaw ang mga tunay na pangyayari…
Abangan natin kung paano ipagtatanggol ni Bello ang kanyang sarili.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap