ALAM ba ninyo na ang Filipinas ay una at natatanging bansa sa Asia na nagbibigay ng lisensiya sa offshore online gaming?!
Alam din ba ninyo na naniniwala ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na kikita sila ng karagdagang P10 bilyones sa annual revenues mula sa kanilang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) licensees?!
Alam ba ninyo kung ano ang offshore online gaming?!
Mga suki, ang offshore online gaming ay walang ipinag-iba sa paglalaro sa casino. Ito ay game of chance sa internet.
Ang ibig sabihin ng offshore, ang mga player na lumalahok dito ay nasa labas ng bansa at hindi mga Filipino.
Naglalaro sila remotely sa pamamagitan ng mga communication device na may kakayahang makapasok sa electronic communication network gaya ng internet.
Gaya ng mga pangkaraniwang online gaming, ang player ay magrerehistro at magtatakda kung magkano ang lalaruin niya sa pamamagitan ng online payment. Hindi puwedeng maglaro ang hindi pa sumasampa sa edad 21-anyos at kinakailangan siya ay isang dayuhang naninirahan sa ibang bansa.
Ang mga offshore gaming operators naman ang nagpo-provide ng game sa mga player, kumukuha ng taya at nagbabayad sa mga nananalong player.
Kabilang sa mga game sa ilalim ng online gaming ang sports betting at e-casinos ang table games, slots, wheel at dice games, skill games at arcade-type games.
Ang mga offshore gaming companies ay klasipikado ng PAGCOR bilang service providers o licensed operators, pareho itong technology-driven enterprises.
Ang tinatawag na service providers ay yaong gaming and software/platform providers, BPO providers, data/content streaming providers at gaming support providers.
Ang mga licensed operators naman ay gaming agents at mga klasipikadong special class BPOs na may kalahok na marketing at customer relation services para sa mga licensed gaming operators overseas, hindi sila dapat humahawak ng betting activities para sa gaming operators at hindi nagseserbisyo sa kahit anong PAGCOR POGO licensee.
Klaro po ang klasipikasyon na ‘yan.
Heto ngayon ang tanong: nasusubaybayan ba ng Commission on Audit (COA) at Bureau of Internal Revenue (BIR) ang mga rehistradong offshore online gaming na nag-o-operate sa bansa?!
Paano nakatitiyak ang PAGCOR, COA at BIR na ang lahat ng offshore online gaming na nakarehistro sa bansa ay nagbabayad ng tamang buwis?!
Nasusuri rin ba ng COA kung paano kumikita ang PAGCOR sa offshore online gaming? Paano nakukuwenta ng gobyerno ang kitang dapat pumasok sa National Treasury mula rito?! Anong partikular na gawain ang pinopondohan ng kita mula sa offshore online gaming?!
At higit sa lahat, gaano ka-transparent ang operasyon ng offshore online gaming?!
Wala bang backlog na singilin ang PAGCOR sa mga offshore online gaming operators?
PAGCOR chair, Madam Didi Domingo, baka puwede mo namang i-share sa publiko kung gaano na karami ang mga POGO licensee ng PAGCOR?
Dahil ang Filipinas ang una at natatanging bansa sa Asia na nagbibigay ng lisensiya sa offshore online gaming, hindi nakapagtataka na parang kabuteng nagsulputan sa Cebu, Angeles, Cagayan, Bulacan at Metro Manila ang maraming offshore online gaming sa bansa, ‘di ba, Madam Didi?
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap