INAMIN ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na mayorya ng mga senador ay hindi pabor na talakayin ang ikalawang package ng Tax Reform Acceleration and Inclusion Law kahit na binanggit ito ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang ikatlong State of the Nation Address.
Ayon kay Sotto, ito ay dahil hindi natupad ang mga ipinangako at ang pagtaya ng economic managers nang mangyari ang deliberasyon ng TRAIN 1.
“Paso kami sa TRAIN 1 e. Hindi kami komportable sa naririnig namin na sabi nila walang inflation, e may inflation e,” wika ni Sotto.
Kabilang aniya sa mga legislative agenda na tinalakay sa kanilang caucus ng majority senators ang TRAIN 1.
Mayroon din aniyang delay sa implementasyon ng mga hakbang na magpapagaan sa epekto ng TRAIN 1 para sa mahihirap kabilang ang cash transfer at fuel subsidy para sa mga tsuper.
“Hindi maiiwasan na mag-init ang ulo ng members ng Committee of Ways and Means dahil ‘yun ang sinabi nila,” giit ni Sotto.
“Kung TRAIN 2 ang pinag-iinitan nila, tingnan nila ‘yung dalawang bill na sinasabi namin na naka-pending sa amin imbes TRAIN 2 ang pag-usapan. Mas madali sa aming makipag-usap sa kanila pagkaganoon,” dagdag ni Sotto.
(CYNTHIA MARTIN)