NAGBABALA si Sen. Panfilo Lacson sa mga nagpapalutang na ang pagkakahalal kay Cong. Gloria Macapagal Arroyo ay bilang paghahanda sa pinaplano niyang maging Prime Minister sa federal form of government.
Ayon kay Lacson, dapat mag-isip-isip muna ang kaalyado ni Arroyo sa kanilang mga plano dahil nagkasundo na umano ang mayorya at minorya ng Senado na protektahan ang kanilang tungkulin sa ilalim ng Konstitusyon.
Giit ng senador, mananatiling nasa kanilang kamay ang kapangyarihan at karapatan na amyendahan o baguhin ang Konstitusyon sa bansa.
Sinabi ni Lacson, ang nangyaring kudeta sa Kamara ay “awkward, ugly, low and disgraceful” dahil umabot ito sa puntong itinago ang “mace” na sumisimbolo sa awtoridad ng Mababang Kapulungan.
Sa huli, iginiit ni Lacson na ang nangyaring kudeta ay pagpapatunay na hindi magandang ituloy ang planong parliamentary form of government na idinadaan sa palakasan ang pagpili sa mga mamumuno sa bansa.
ni CYNTHIA MARTIN