READ: PH major problems ilalahad sa 3rd SoNA ni Duterte
AABOT sa 7,000 pulis ang ikakalat sa Lunes, 23 Hulyo, para sa ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Batasan Pambansa sa Quezon City.
“Ito po ‘yung kabuuang bilang ng mga ide-deploy o para sa pangkalahatang security deployment ng Security Task Force (STF) Kapayapaan na binubuo ng 13 Site Sub Task Groups (SSTGs),” ayon kay National Capital Region Police Office director, C/Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar.
Kahapon ay pinangunahan nina Eleazar at Quezon City Police District director, C/Supt. Joselito Esquivel, Jr. ang pagpupulong, kasama ang mga pinuno ng cause-oriented groups at ibang stakeholders, bilang paghahanda sa SONA 2018 ni Pangulong Duterte.
Layunin ng pag-uusap, na ginanap sa Quezon City Sports Club sa E. Rodriguez Sr. Boulevard, na himayin ang mga partikular na ikinababahala ng ilang cause-oriented groups at stakeholders, kabilang ang traffic re-routing schemes para sa tahimik at mapayapang SONA.
Napag-usapan at napagkasunduan din sa pagpupulong ang tungkol sa mass demonstration staging area at seguridad ng mga demonstrador.
Nagpasalamat si Eleazar sa suporta ng mga pinuno na lumahok sa pag-uusap. “For the past two years, dahil may pag-uusap, nagkaroon ng kasunduan, at dahil may kasunduan nagkaroon ng guidelines o alituntunin na dapat tuparin; at dahil doon naiwasan ang mga ‘di pagkakaintindihan. We are hoping that everything will be in order,” anang NCRPO chief.
Kasabay nito, hiniling ni Task Group (TG) Quezon commander, C/Supt. Esquivel sa mga pinuno ng cause-oriented groups na i-identify ang kanilang marshalls sa pamamagitan ng pagsusuot ng “identifying arm bands” upang madali silang makapag-coordinate sa PNP kung sakaling magkaroon ng kaguluhan.
Nakiusap din siya sa mga pinuno at sa mga lalahok sa demonstrasyon na matyagan ang kalinisan ng lugar at itapon nang maayos ang kanilang mga basura bilang parte ng kasalukuyang pagsusulong at adbokasiya ng PNP sa pagpoprotekta sa paligid. (ALMAR DANGUILAN)