MAKARAAN ang mahigit apat na taong pagtatago, ang 72-anyos lolo na dating barangay chairman at tinaguriang lider ng bigtime drug syndicate sa Region 1, ay nadakip sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
Nasakote nang pinagsanib na puwersa ng mga tauhan ng Caloocan Police Intelligence Unit, Police Regional Office (PRO) 1 Intelligence Division, Provincial Drug Enforcement Unit ng Ilocos Sur, at Santiago Police Station, ang suspek na si Renato Tengsico alyas Atong, dating barangay chairman sa Poblacion Norte, Santiago, Ilocos Sur, dakong 9:30 pm sa Unit 1 Caldino Aparments, Block 1, Lot 28, Shelterville, Brgy. 171, Bagumbong, Caloocan City.
Ang akusado ay nasentensiyahan kamakailan ng habambuhay na pagkabilanggo sa kasong illegal drug trade sa ilalim ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002, ng Regional Trial Court (RTC) ng Ilocos Sur dahil sa pagiging lider ng bigtime na Tengsico-Cabreros drug group na umano’y nagpapakalat ng ilegal na droga sa 2nd District ng Ilocos Sur.
Ayon kay Caloocan police Intelligence Unit head, C/Insp. Jonathan Olvena, si Tengsico ay dating nadakip sa Ilocos Sur noong 2014 dahil sa pagtutulak ng ilegal na droga ngunit nakapagpiyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Gayonman, nagpatuloy ang paglilitis hanggang masentensiyahan siya ng habambuhay na pagkabilanggo at naglabas ng warrant of arrest si Judge Sixto Diompoc ng Branch 72 ng Narvacan Ilocos Sur RTC, laban kay Tengsico.
Natunton ng mga tauhan ng Regional Intelligence Division ng PRO 1 ang pinagtataguan ni Tengsico kaya agad silang nakipag-ugnayan sa Caloocan Police Intelligence Branch, na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.
Narekober kay Tengsico ang apat sachets ng hinihinalang shabu na tinatayang P20,000 ang street value.
(ROMMEL SALES)