Sunday , December 22 2024

Mga salamisim 2

MAY nakarating na ulat sa Usaping Bayan mula sa mga nagmamalasakit na kaibigan na nagsasabing maraming “pro-people” na probisyon sa 1987 Constitution ang balak alisin o inaalis na sa ginagawang Duterte Constitution. Halimbawa raw nito ay ‘yung may kaugnayan sa Human Rights at sa papel ng mga kababaihan sa ating lipunan.

Kung totoo ang impormasyong ito ay dapat mas lalong matyagan ang planong wasakin ang kasalukuyang siste upang mapalitan ito ng isang papabor sa pananatili ng sariling interes at warlordism, na ikinukubli sa konsepto ng federalismo.

Hindi dapat hayaan ng sambayanan na magwagi ang kadiliman laban sa liwanag.

***

Makailang ulit nang sinasabi ng Usaping Bayan na hindi federalismo ang sagot sa kasalukuyang problema ng bayan, na dinala sa atin ng neo-liberalismo sa pamamagitan ng mga dilawang grupo katulad ng Liberal Party at mga kaalyado nito.

Malinaw na nagbibigay ng sapat na awtonomiya ang kasalukuyang Saligang Batas para sa mga nangangailangan nito, kaya walang basehan ang mga katwiran na ginagamit para bigyang puwang ang federalismo sa ating bayan.

Lalo lamang hahatiin ng federalismo ang hati-hati ng pambansang kaakuhan natin. Palalakasin lamang nito ang mga political dynasties sa mga rehiyon, lalawigan, lungsod, bayan, at barangay sa buong kapuluan. Mamamayagpag sa federalismo ang mga tradisyonal na pamilya na may hawak na sa ngayon ng kapangyarihan at lalong madi-disempower ang matagal nang kinakawawang taong bayan.

Ang pagpapalakas sa mga institusyon, lalo na ‘yung nagbibigay serbisyo sa bayan, ang kailangan. Paglilinis sa hanay ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police ang isa sa mga dapat atupagin samantala hindi na dapat ipagpaliban ang pag-usig sa human rights violator, mga taksil sa bayan, lalo na ‘yung nagpapagamit sa mga Amerikano, Intsik at iba pang dayuhan; sa mga nagsulong ng neo-liberalismo at iba pang kahalintulad na kawalanghiyaan sa tao.

Ilan lang ito sa mga dapat gawin ngayon u­pang magkaroon ng mga makabuluhang pagba­bago sa lipunan. Ito ang solusyon, hindi ang pau­rong na federalismo na isinusulong ng kasa­lukuyang rehimen.

***

May mga nagpapanukala na dapat na raw buwisan ng pamahalaan ang Simbahan. Hindi ko alam kung abot ng isip ng mga nagpapanukala nito kung gaano kalaki ang magiging epekto ng kanilang sinasabi sa ating bayan. Ewan ko kung alam nila kung gaano kalaking tulong ang nagagawa ng Simbahan para sa mga taong mismo ay tinalikuran ng mga nagbibigay nang lisyang panukalang ito.

May palagay ang Usaping Bayan na totoong may mga pang-aabuso na ginagawa ang ilang taong Simbahan. Minsan ginagamit ang kawalan ng buwis ng mga charitable at educational institutions para lamang payamanin ang ilan sa loob ng Simbahan.

Gayonman ang sagot ay hindi pagbubuwis kundi ang masusing pag-o-audit sa mga binibigyan ng tax exemptions. Dapat silang saklawin ng Commission on Audit upang hindi magamit sa pagpapayaman ng mga nasa loob ng dakilang institusyong Simbahan.

***

Kung ano man ang pangha-harass na inaabot ng mga taong simbahan sa ngayon ay dapat din ninyong malaman na ito ay bunga lamang ng inyong ginawang pang-aabuso, hindi lamang ngayon kundi noon. Karma ang tawag dito at ito ay hindi saklaw ng panahon. Tulad ng isang magnanakaw, dumarating ang karma na walang abiso.

Gumawa ng mabuti at ng mabuti rin ang kar­mang abut in.

***

Pasyalan ninyo ang Beyond Deadlines sa www.beyonddeadlines.com para sa mga balita sa ating nagbabagang panahon. Sana ay makaugalian ninyo na bisitahin lagi ang website ng Beyond Deadlines. Salamat po. Pasyalan n’yo rin ang pahayagang Hataw sa hatawtabloid.com kung saan lumalabas din ang Usaping Bayan tuwing Miyerkoles at Biyernes.

USAPING BAYAN
ni Nelson Forte Flores

About Rev. Fr. Nelson Flores, MSCK, JD.

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *