NATARANTA ang mga tindero at mamimili nang sumiklab ang sunog sa Mega Q-Mart sa EDSA, Cubao, Quezon City, kahapon ng madaling-araw.
Sa ulat ng Quezon City Bureau of Fire Protection (QC-BFP), dakong 4:44 am nang magsimula ang sunog at agad itinaas sa ikaapat na alarma.
Nasa 20 tindahan o stall ang naabo sa 25 porsiyentong bahagi ng palengke. Partikular na apektado ng sunog ang bahagi ng dry goods section. Nadamay rin ang opisina ng palengke.
Tinatayang aabot sa P1 milyon halaga ng mga ari-arian at paninda ang naabo sa insidente. Idineklarang under control ang sunog dakong 5:20 am.
Inaalam ng mga awtoridad ang posibleng sanhi ng sunog. Walang iniulat na nasaktan o namatay sa insidente. (ALMAR DANGUILAN)