HABANG nagsisikap ang ilang mga kababayan na naghanapbuhay nang parehas at maayos sa pagtatayo ng maliliit na negosyo, ilang ‘demonyo’ naman ang mabilis na nakapagpaplano para ‘nakawin’ ang pinagpaguran ng masisikap na tao sa pamamagitan ng panghoholdap.
At hindi lang maliliit na negosyante ang binibiktima, kundi maging ang mga customer na kumain lang saglit ‘e ‘nahubaran’ pa ng mga importanteng alahas, gadget at maging cash.
Ganito ang karanasan ng mga food establishment sa Barangay Don Galo, Parañaque City.
Kamakailan lang, parang ‘umani’ ng ‘gintong palay’ ang mga notoryus na riding-in-tandem hold-uppers na sumalakay sa mga food establishment sa area na ‘yan.
At dahil sa kasabihang, habang may buhay ay may pag-asa, minabuti na lang ng mga biktima na ibigay ang kanilang salapi, gadgets at iba pang valuables sa mga holdaper kaysa naman buhay nila ang nakawin.
Siyempre, manlulumo at maiiyak lang sila kapag wala na ang mga holdaper at mapagtatanto nila kung ano, magkano at ang halaga sa buhay ng mga ninakaw sa kanila.
Masakit talaga sa loob ‘yan, na ang mga bagay na pinagsikapan at pinagpagurang makuha ay biglang mawawala dahil sa pagnanakaw na tila simbilis ng kidlat.
Pero higit na masakit, kapag nabatid ng mga biktima ng holdap na ilang metro lang pala ang layo sa pinangyarihan ng insidente ang estasyon ng pulisya o police community precinct (PCP).
Hindi ba Parañaque police chief, S/Supt. Leon Victor Rosete?
Ilang metro lang po ba ang layo ng PCP diyan sa Barangay Don Galo sa food establishments na mukhag alaga nang holdapin ng mga holdaper?!
Kernel Rosete Sir, hihintayin pa ba ninyong si NCRPO chief, Gen. Guillermo Eleazar ang umaksiyon laban diyan sa mga holdapan na ‘yan?!
Aba, baka madamay pa maging si Southern Police District (SPD) director, C/Supt. Tomas Apolinario, Jr.?!
Kailan ka kaya aaksiyon, Kernel Rosete?!
APELA NI SEN. TITO SOTTO
PARA SA COMMITTEE HEARING
NI SEN. DE LIMA
TABLADO KAY PNP CHIEF
ANG korte hindi ang Philippine National Police (PNP) ang makapagtatakda kung puwedeng magsagawa ng Committee Hearing si Senator Leila de Lima sa PNP Custodial Center sa Camp Crame.
‘Yan ang sagot ni PNP chief, Director General Oscar Albayalde sa apela ni Senator Tito Sotto.
“It is with regret that the PNP cannot appropriately act on the matter considering Senator De Lima’s status as a detention prisoner with restricted right to exercise profession and hold public office,” ani PNP chief, Director General Oscar Albayalde sa kanyang liham kay Tito Sen.
Dagdag ni Albayalde, “it was up to the court, which has jurisdiction over her case, to decide whether or not she could be allowed to hold committee hearings at the PNP Custodial Center where she is being detained for illegal drugs offenses.”
Relatibo ito sa Supreme Court decisions gaya ng Trillanes IV versus Pimentel, et al, GR No. 179817 dated June 27, 2008; and People vs. Jalosjos GR Nos. 132875-76 dated November 16, 2001, na pinagbatayan ng PNP sa kanilang desisyon.
Tsk tsk tsk…
Mukhang bigo si Senator Leila na maisakatuparan ang kanyang hangarin na isulong ang kanyang tungkulin bilang mambabatas.
Palagay natin, sa korte dapat magpaalam si Senator Leila para mabigyan ng katuwiran at katarungan ang kanyang kahilingan.
Ano sa palagay ninyo, Tito Sen?
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap