“M AGALING kasi ang dila kong tumikim. Magaling siyang panlasa, ‘yun ang talent ko, pero hindi ako magaling magluto.” Ito ang tinuran ni Zanjoe Marudo nang tanungin ukol sa karakter na ginagampanan niya sa bagong handog na pelikula ng Star Cinema, ang Kusina Kings na pinagbibidahan nilang dalawa ni Empoy at pinamahalaan ni Direk Victor Villanueva, director ng Patay Na Si Hesus.
Ani Zanjoe, iyon talaga ang karakter na ginagampanan niya sa Kusina Kings na mapapanood na sa Hulyo 25. ”Iyon talaga ang karakter ko na kapag tinikman ko, alam ko kung tama na o hindi. Si Empoy kasi ang karakter niya lahat sukat. Ako tinitikman ko lang.”
Singit naman ni Empoy, ”ako may thermometer ako lagi, ‘yung sukat.”
Ang Kusina Kings ang unang comedy offering ng Star Cinema sa pagdiriwang ng kanilang ika-25 anibersaryo sa industriya.
Nakasentro ang pelikula sa dalawang matalik na magkaibigan, isang lalaking walang muwang sa kusina at isang chef at may-ari ng restoran na hindi nag-iiwanan simula pa noong hay-iskul, lalo na nang sumali si Empoy sa isang tila ‘di mapagkakatiwalang Kusina King Challenge para isalba ang restoran.
Nagsisilbing pagbabalik-komedya ni Zanjoe ang Kusina Kings matapos ang kanyang pagganap sa Bromance at Kimmy Dora noong 2013 atMy Illegal Wife noong 2014. Si Empoy naman ay patuloya na pinalalaganap ang kanyang box-office charm mula sa matatagumpay niyang pelikula noong nakaraang taon.
Bukod sa Zanjoe-Empoy team-up, malaking bahagi rin ng proyektong ito si Ryan Bang na gumaganap bilang si Gian Nyeam, ang matinding kalaban nina Z at Empoy sa Kusina King Challenge.
Kasama rin sa pelikula sina Tiny Corpuz, Jun Sabayton, Joma Labayen, Hyubs Azarcon, Nonong Ballinan, Maxine Medina, at Nathalie Hart.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio