Friday , November 15 2024

Open letter to Pres. Digong: Pasay ‘uutang ng P3 bilyon’ sa PNB inaprub ng Council?

ISANG kopya ng liham kay Pang. Rodrigo “Digong” Duterte, may petsang July 12, 2018, ang nakarating sa atin mula sa nagpakilalang Concerned Citizens of Pasay.

Isinusumbong sa pangulo ang umano’y pagkakapasa ng ‘ordi­nansa’ na nagbabasbas kay Mayor Antonino “Tony” Calixto at Vice Mayor Boyet del Rosario para umutang ng halagang P3 bilyon sa Philippine National Bank (PNB).

Hindi raw dumaan sa tamang proseso ang pagkakapasa ng ordinansa dahil mga pili lamang ang pinayagang makadalo sa isinagawang public hearing ng Konseho kaya’t hindi nahimay at natalakay kung para saan ang uutanging halaga.

Ang mga hindi imbitadong dumalo, pati na ang ilang miyembro ng media, ay puwersahang pinalayas ng isang konsehal sa mga isinagawang public hearing ng Konseho.

Kumbaga ay parang lumalabas na yaring-karera ang pagkakapasa ng ordinansa, sabi sa liham:

“Lubha pong ‘disadvantageous’ sa mamamayan ng siyudad ng Pasay ang nasabing uutanging salapi sa PNB dahil hindi po maipaliwanag ng mga opisyal na ito kung saan gagamitin o anong proyekto ang paggagamitan ng nasabing pondo.”

Siyempre nga naman, sa mga mamamayan kukunin ang ipambabayad sa uutangin kaya’t karapatan lang nila na malaman kung saan gagastahin ang napakalaking pondo na uutangin dahil wala namang kalamidad o ‘urgency’ na paglalaanan.

Papatapos na ang ikatlo at huling termino ni Calixto bilang alkalde kaya raw sila nababahala, ayon sa liham:

“Alam naman po natin na sa susunod na taon ay eleksiyon na po at ayaw naming isipin na posibleng magamit ang nasabing napakalaking halaga bilang panustos sa kampanya ng iilang kakandidato, partikular na po ang nakababatang kapatid ng alkalde ng Pasay na si Congresswoman Emi-Calixto-Rubiano na napapabalitang papalit sa posisyong iiwanan at mababakante ng kanyang kuyang si Mayor Tony Calixto.”

Ipinagtataka rin kung bakit sa PNB na isang pribadong banko mangungutang ang LGU, gayong ang Land Bank of the Philippines (LBP) na pinatatakbo ng gobyerno ay nagsumite rin ng “loan proposal” sa Pasay City?

‘Di hamak na mas mababa raw ang interes sa isinumiteng proposal ng LBP, kompara sa PNB na umano’y inaprobahan at piniling utangan ng Konseho.

Binanggit din sa kanilang liham kay Pres. Digong na ang lungsod ay may “outstanding P2 bilyon” pa na pagkakautang, pero ang hindi sinabi ay kung saang banko.

Pero nais nating linawin na ang kopya ng liham kay Pres. Digong na ating natanggap ay walang kaakibat na sipi ng tinutukoy na ordinansa at mga kaukulang dokumento.

Kung interesado talaga ang nagpadala ng liham na mabusisi kung saan at paano nagasta ang umano’y outstanding loan na P2-B, dumulog kayo sa Commission on Audit (COA) para humingi ng audit report sakaling hindi available sa kanilang official website.

Madali na ngayong malaman kung maayos na nagagasta ang pera ng mamamayan dahil ang COA lamang ang bukod tangi sa lahat ng ahensiya ng pamahalaan ang gumaganap ng wastong pagtupad sa tungkulin.

Samantala, bukas ang pitak na ito sa anomang paliwanag mula sa mga kinauukulang Pasay LGU officials at Konseho na binanggit sa liham.

Okey ba, Kon. Ricardo “Kuya Ding” Santos na “bastonero” sa public hearing ng Konseho?

                                        

MPD STATION 9 CLOSED
PERO ILLEGAL TERMINAL
OPEN SA PLAZA LAWTON

ISINARA raw muna ang Manila Police District (MPD) Station 9 sa Malate para magsagawa ng general cleaning matapos mapabalita na isang preso ang namatay ilang araw matapos ilipat sa Manila City Jail.

Ang sinasabing sanhi ay “necrotizing fasciitis” o “flesh-eating disease,” isang uri ng nakahahawang galis o sakit sa balat ng mga preso sa Station 9.

Pero balewala rin daw kahit linisin pa ang buong pasilidad at kulungan ng Station 9 kung hindi naman magagamot ang ibang mga preso sa nakahahawang mikrobiyo, ayon sa mga eksperto.

Sabi nga, para mawala ang lamok ay dapat linisin ang maruming kanal na pinanggagalingan nito.

Buti pa pala ang sariling presinto ay naipasasara ng MPD, pero ang mapanghi at mabahong Plaza Lawton dahil sa salot na illegal terminal ay hindi nila magawang linisin.

Ang gagaling po nila sa MPD, ‘di po ba!

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09166240313. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

KALAMPAG
ni Percy Lapid

About Percy Lapid

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *