SABI ng Bangko Sentral mas marami pa rin daw Filipino na walang savings account sa banko. E paano naman makapag-iimpok ang tao, e walang iimpok sa hirap ng buhay. Dapat kumilos ang pamahalaan, katulong ang taong bayan at mga organisadong sektor, para mabago ang ganitong siste na ang mayayaman lamang ang yumayaman at ang mahihirap ay lalong nababaon sa hirap.
***
Hindi ko alam kung napapansin ninyo kung paano tayo ginugulangan ng mga banko. Alam ba ninyo na kapag nagdedeposito tayo ng pera sa banko ay nagpapautang tayo sa banko ng puhunan? Ito ang dahilan kaya may interes ang ating deposito, pero napansin ba ninyo kung gaano kaliit ang interes na kinikita ng pera natin?
Ngayon kapag tayo ang umutang sa banko, napansin ba ninyo kung gaano kalaki ang interes nito? ‘Yan ang tinatawag na gulang. Harap-harapan tayong ginugulangan kaya kung ako sa inyo limitahan lang ang pagdedeposito at mas gamitin o ipuhunan ang perang hawak sa mga kooperatiba.
***
Nambobola na naman si Rodrigo Duterte kamakailan sa pagsasabing puputulin niya ang haba ng kanyang termino bilang pangulo at gagawin itong co-terminus sa pag-uumpisa ng pagsulat sa bagong saligang batas. Ibig sabihin ay dapat daw maghalal ng bagong presidente para may bagong pinuno sa pagpasok ng bagong saligang batas.
Alam naman niyang hindi puwede ‘yun dahil kung sakaling mag-resign siya sa poder ay automatic na uupo si Vice President Leni Robredo. Hindi rin puwedeng bawasan o iklian ang termino ng pangulo dahil nasa Saligang Batas ito.
Malinaw na bola lamang ang pinagsasabi niya kaya ewan ko kung bakit marami siyang napaniniwala sa mga joke niya.
***
Ang panukalang federalismo ay lalo lamang magpapalakas sa mga warlord at political dynasties sa ating bansa. Lalo lamang nitong hahatiin ang bayan sa panahon na naghahagilap pa tayo ng ating kaakohan o national identity. Sana ay suriin ninyo munang mabuti ang panukalang ito at ang konteksto ng ating kaakohan bago magpahayag ng suporta sa paurong na panukalang ito.
***
Sa palagay ng Usaping Bayan, walang masama na kilalanin ang civil union ng mga gay dahil may karapatan naman silang lumigaya at maging legally secure sa pagmamahalang nadarama. Gayonman ay hindi naman nila dapat ipilit na sila’y ikasal sa mga simbahan na hindi tanggap ang pagkakasal sa dalawang tao na may parehong kasarian bilang respeto sa doktrina ng kanilang mga mananampalataya. Para kasi sa maraming simbahan ang kasal ay para lamang sa babae at lalaki bagamat naniniwala tayo na puwedeng basbasan ang kanilang relasyon.
Kung nagagawa nga na basbasan ang bahay, patay o ang mga hayop, may palagay ako na marapat lamang na “short of marriage” ay basbasan din ang kanilang pagmamahalan.
***
Pasyalan ninyo ang Beyond Deadlines sa www.beyonddeadlines.com para sa mga balita sa ating nagbabagang panahon. Sana ay makaugalian ninyo na bisitahin lagi ang website ng Beyond Deadlines. Salamat po. Pasyalan n’yo rin ang pahayagang Hataw sa hatawtabloid.com kung saan lumalabas din ang Usaping Bayan tuwing Miyerkoles at Biyernes.
USAPING BAYAN
ni Nelson Forte Flores