TAON-TAON pero iba-iba nga lang ang petsa kung kailan idinaraos ni Quezon City Mayor Herbert Bautistaang kanyang munting pabertdey para sa mga miyembro ng entertainment press.
Hindi sa kanilang family-owned Salu Restaurant napiling tipunin ni Bistek ang kanyang mga media friend. Nitong July 6, Biyernes, ay sinalubong niya ang mga ito sa kanyang mismong tanggapan, ang Bulwagang Amoranto sa ikatlong palapag ng QC Hall.
Kung sa mga nagdaang taon ay malimit na wala si Mayor HB (na ewan kung paraan ng kanyang pag-iwas sa mga personal na isyung sangkot siya), sa pagkakataong ‘yon ay nagmistula siyang willing victim.
Para siyang tipak na karneng inihagis para lantakan ng mga gutom na leon. Siyempre, the press represented the hungry lions.
Tamang-tama rin kasi ang timing dahil itinaon naman talaga ‘yon sa launch ng kanyang libro na may pamagat naBistek @ 50 Life in Full Color: The Herbert Bautista Biography.
Siyempre, bago uminit ang pakikiharap niya sa press-birthday celebrators ay ipinagmalaki muna ni Mayor HB ang kanyang bioraphy.
Nahahati ‘yon sa tatlong bahagi: Kulay Buhay, Kulay Showbiz, at Kulay Serbis na sumasaklaw sa mga kabanata ng kanyang buhay mula noong siya’y batang mag-aaral hanggang sa kung ano na ang mundong ginagalawan niya ngayon.
May bilang na 306 ang mga pahina ng librong ‘yon, na ang foreword nito’y mula sa kanyang kapwa alkalde na si Manila City Mayor Joseph Estrada, at ang introduction nama’y galing sa screen playwright na si Bibeth Orteza.
Ano pa ba ang susunod na pag-uusapan kundi si Kris Aquino?
Bagama’t nagpahatid ng good luck message si Bistek sa commercial showing ng comeback movie ni Kris, hindi pala siya aware (talaga lang, mayor, ha?) sa mga kaganapan noong ganapin ang presscon nito.
Sa lahat kasi ng mga binitiwang salita ni Kris (that could pass for classic hugot lines), ang nagmarka kasi roon ay ‘yung ipinakita ni Kris ang magandang hubog ng kanyang pangangatawan.
Kasabay nito ang pagmamalaking ‘yun daw ang mami-miss ni Herbert.
Idinaan sa komedi ni Bistek ang ganting-sagot niya kay Kris, na ikinatawa’t ikinapalakpak ng mga reporter na nakapalibot sa kanya.
“Hindi niya ako matitikman!” sabay tayo mula sa kanyang kinauupuan, humakbang ng kaunti patalikod only to face the group again at sabing, ”Oy, huwag n’yong isusulat ‘yon!”
Ini-rewind namin sa aming isip ang obvious namang biro lang na sinambit ni Mayor HB. Biro in the sense na parang hindi naman yata kapani-paniwalang hindi sila nagkaroon ng “intimate moments” ni Kris noong balitang sila pa.
Echosera rin itong si mayor!
HOT, AW!
ni Ronnie Carrasco III