PERSONAL naming nakapanayam si Ginoong Bienvenido Lumbera, National Artist For Literature. Ito ay matapos niyang ihayag, bilang pinuno ng Selection Committee ng Metro Manila Film Festival, ang unang apat sa walong official entries sa MMFF sa December.
Sa personal niyang pananaw, bakit nagustuhan niya ang apat na nabanggit na entries?
“Unang-una, para sa akin ‘yung ‘Aurora’ at ‘Girl In The Orange Dress’ ang pinakamahusay sa puntong nakatutuwa ang takbo ng naratibo at saka may makabuluhang nilalaman ang script.”
Ano naman ang masasabi niya sa entires na tampok sina Vice Ganda at Vic Sotto at Coco Martin?
“Siyempre, si Vice Ganda ay garantisado ng makaaakit sa maraming manonood gayundin sina Vic at Coco.
“So, ang apat na pelikula inaasahan na roon sa apat na iyon, magiging matagumpay ang festival sa pag-akit sa manonood.”
Mula sa 24 na scripts ay apat ang nakapasa at ang mga ito ay ang, AURORA ng Viva Films tampok si Anne Curtis at ididirehe ni Yam Laranas; FANTASTICA: THE PRINCESS, THE PRINCE, AND THE PERYA ng Viva at Star Cinema tampok sina Vice Ganda, Maris Racal, Loisa Anadalio, at Maymay Entrata na ididirehe ni Barry Gonzalez; GIRL IN THE ORANGE DRESS ng Quantum at MJM Films tampok sina Jessy Mendiola at Jericho Rosales na ididirehe ni Jay Abello; at POPO EN JACK, THE PULISCREDIBLES ng MZet, APT, at CCM Productions tampok sina Vic Sotto at Coco Martin na ididirehe ni Mike Tuviera.
Ang announcement ay ginanap sa MMDA Head Office sa Orense sa Guadalupe sa Makati City.
Tinanong naman namin si Ginoong Lumbera kung ano ang para sa kanya ang pinakamahirap na parte sa pagpili ng mga official entries?
“Iyon, ang pagtiyak sa iyong sarili bilang member ng Selection Committee na itong script na ito ay makabuluhan, maganda ang pagkakasulat, at maasahang hahakot ng mga manonood.”
Hindi ba ang pinakamahirap na parte ay ang pagbabasa isa-isa ng 24 na scripts?
“Yes. Bale one script a day,” tugon ni Ginoong Lumbera.
Kaya halos isang buwan din ang ginugol niya kasama ang buong MMFF Selection Committee sa pagbabasa ng entries.
“Ah yes, oo!”
At dahil tungkol sa pelikula ang usapan at isa siyang National Artist, tinanong naman namin siya, kung sakaling gagawing pelikula ang buhay niya ay papayag ba siya?
“Hindi magiging box-office hit ‘yun,” ang tumatawang sagot ni Ginoong Lumbera.
Malamang na humakot din ng awards kapag isinapelikula ang kanyang buhay.
Wala pang nag-aalok, pero kung sakali ba ay papayag nga ba siya?
“Well, bakit hindi? Papayag ako, pero iyon ang sinasabi ko, na ang buhay ko ay hindi material for a movie.”
Pero National Artist siya.
“Oo nga pero National Artist, ‘Ano siya, sulat siya ng sulat,’” at muli siyang tumawa.
Kung sakali ngang isasalin sa pelikula ang buhay niya, sinong aktor ang pipiliin niyang gumanap bilang Bienvenido Lumbera?
Muli siyang tumawa bago sumagot, ”Depende iyon sa production company. Kasi sila ‘yung nakaaalam kung sino sa kanilang mga artista ang magiging successful sa paglalarawan sa akin.”
Kahit sino ang mapili ay papayag siya.
“Oo, puwede na,” ng nakangiting wika pa ng ating National Artist.
Rated R
ni Rommel Gonzales