YUMUKO si Woman Grandmaster Janelle Mae Frayna kay International Master Gargatagli Hipolito Asis ng Spain matapos ang 39 moves ng Caro-kann sa round three ng 41st Open International Barbera del Valles 2018 Chess Championship sa Barbera de Valles, Spain.
Nanatili sa dalawang puntos si 22-year-old Frayna kaya naman nalaglag siya mula sa tuktok.
Nalasap ni former Far Eastern University star Frayna ang unang kabiguan matapos isulong ang panalo sa rounds 1 at 2 kontra Joshi Supriya ng India at 10th seed GM Marius Manolache ng Romania.
Kasama si Frayna sa 29-player group sa 10th place. Hawak ang itim na piyesa, nakalamang si Frayna ng isang pawn sa opening subalit sumulong ng matinding kombinasyon si Asis at nagkaroon ito ng central pawn na siyang nagpanalo sa kanya.
Hindi na tinapos ni Frayna ang laro dahil mga ilang sulungan na lang ay mabibihag ang kanyang rook.
Tabla ang laban ni grandmaster Eugene Torre kay Indian woodpusher A. Ra. Harikrishnan.
May pagkakataon si Frayna na makabawi, makakalaban niya sa susunod na laro si sixth seed IM Venkataraman Karthik ng India.
Makakalaban naman ni 66-year-old Torre si Anand Saurabh ng India.
Ang kampanya ni Frayna ay suportado ng Philippine Sports Commission at ni Philippine STAR president at CEO Miguel Belmonte. (ARABELA PRINCESS DAWA)