SA Lunes na ng gabi ang taunang Eddys, ang award for excellence sa pelikula na ibinibigay ng Society of Philippine Entertainment Editors, o SPEEd, na binubuo ng mga entertainment editor mula sa mga lehitimong diyaryo lamang. Hindi kasali riyan iyong mga hao siao.
Sinasabi naming pinagkakatiwalaan namin ang awards na iyan. Una dahil kilala namin ang lahat ng kanilang mga miyembro na namimili at bumoboto sa mga mananalo. Kasabihan nga, huwag kang magsisiguro dahil kahit na saang gubat may ahas, pero riyan sa SPEEd, sigurado naman kami na halos lahat sila kung hindi mo man masabing lahat, ay mga taong may dignidad. Nakataya riyan hindi lamang ang pangalan nila kundi pati ang integridad ng mga diyaryo nila.
Hindi kagaya ng iba na pumalpak man ang desisyon, hindi mo malaman kung sino ang pagtatawanan mo dahil hindi mo naman kilala ang mga miyembro. Mayroon pa ngang wala na ang mga miyembro at isang komite na lamang ang namili ng mananalo. Mayroon naman alam mo maraming hao siao. Paano mo naman pagtitiwalaan ang mga ganoon?
At least diyan sa Eddys, walang tsismis. Kung may tsismis iyan hindi rin namin paniniwalaan.
Ang kalaban na lang ng Eddys ay iyong sarili rin nila. Tiyak na ang comparison diyan ay iyong kanilang unang awards noong nakaraang taon, at iyong awards nila sa Lunes. Iyong nominees nila sa Lunes, karamihan hindi namin napanood iyon. Mga indie kasi na nailalabas lamang sa mga sinehan ng isa o dalawang araw, tapos maghihintay na ng susunod na festival. Hindi makakuha ng sinehan iyang mga iyan dahil hindi naman kumikita talaga. Pero ang basehan kasi ng Eddys excellence, hindi naman public approval. Ang nananalo iyong inaakala nilang pinakamahusay sa lahat ng napanood nila. Wala na silang pakialam kung ang mga pelikula bang iyan ay kumita o nagustuhan ba ng mga tao. Ang totoo may mga artista nga silang nominees na hindi namin kilala at hindi pa namin napapanood minsan man, pero hindi nga popularidad ang basehan eh. Kahit na isang pelikula lang ang nagawa niyan at walang nanood kundi pito, kung mahusay naman ang performance puwede iyan.
Hindi namin inaasahang sa taong ito ang magiging resulta nila ay popular choice, dahil marami ngang indie na hindi naman napapanood ng mga tao at mga artistang wala namang fans. Pero ang sigurado, malinis pa rin ang kanilang awards. Wala ngang hao siao ano.
May mga nagsasabi rin na mukhang mas malalaki ang performers sa awards nila last year. Eh kasi ngaViva ang producer nila noon, natural maraming mga artistang malalaki. Ngayon, Wish ang kanilang production partner, siguro nga hindi masyadong malalaki ang stars pero baka maganda naman ang production nila technically, dahil iyang Wish puro bago at moderno ang equipment niyan. Bukod sa television coverage nila sa UNTV 37, mapapanood din sila sa live streaming ng kanilang awards sa site ng Wish 107.5. Ang awards night ay gagawin sa Solaire Theater, hindi po sa loob ng Wish Bus.
HATAWAN
ni Ed de Leon