MULA sa pagiging isang child star ay lumalaking isang magandang young star si Jillian Ward. Nagsimula siya sa paglabas sa commercials noong four years old pa lamang at mula rito ay lumabas panandalian sa Wachamakulit, tapos ay naging bida agad sa TV series na Trudis Liit ng GMA-7.
Nagdadalaga na si Jillian ngayon at lalo itong gumaganda habang lumalaki. Kaya sure kami na may mga project na pinaplano na sa kanya ang GMA-7 dahil malaki ang potential ng dating child star na maging big time na teenstar at pambato ng Kapuso Network.
Ngayon ay napapanood si Jillian every Sunday sa Daig Kayo ng Lola K bilang si Alice. Ang naturang drama, fantasy, anthology ay tinatampukan ng veteran actress na si Ms. Gloria Romero.
Anyway, nabanggit sa amin na Jillian na gusto niyang sumabak sa mga heavy drama roles, kaya inusisa namin siya kung wala bang balak ang mga bossing nila sa Daig Kayo ng Lola Ko na lagyan ng special episode na sila mismo ang aarte? Ang ginagawa kasi nila roon ay parang nagkukuwentohan lang, na style Lola Basyang habang nagkukuwento sa mga bata si Ms. Gloria.
Saad ng 13 year old na young actress, “Wala nga po eh, pero sina-suggest ko rin po minsan, pero baka gawin naman po nila, malay mo po.”
Para maka-acting ka ulit? “Opo, kasi nami-miss ko na rin ang um-acting, yung heavy drama po talaga na parang noong Sa Piling ni Nanay. Kasi, heavy drama po ‘yun. Talagang ano po yun eh, intense. Umabot pa nga po yun sa Malaysia. Sobrang sikat po sa Malaysia niyon.
“Bale 2016 po ‘yun, nandoon po sina Ate Yasmien Kurdi, ate Katrina Halili, Kuya Mark Herras and Tito Gabbi Eigenmann. Actually, guest lang po ako roon ng five days, tapos na-extend po kami ng five months kasi talagang yung ratings po, tuloy- tuloy na mataas po. Lagi kaming top noon, kaya na-extend po,” nakangiting saad pa ni Jillian.
Sobra rin ang paghanga niya kay Ms. Gloria. “Sobrang bait po niya and si Lola Glo po talaga ibang klaseng professional po siya. I mean, sa age niya po di ba, ang hirap na po mag-memorize at umacting. Pero siya po, talagang parang wala po siyang nakakalimutan na lines and since… grabe po siyang star, ang tagal niya na po pero, humble pa rin po siya, eh. Sobrang bait po niya, talagang pati sa akin, parang apo na po niya ako talaga. Ang tawag ko po sa kanya ay Lola Glo.”
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio