MASKI na ang mga nasa screening committee ng MMFF ay nagsabing naniniwala sila na ang unang apat na pelikulang kanilang napili ay komersiyal, ibig sabihin sigurado sila na sa apat lamang na iyan ay kikita na ang kabuuan ng festival, at may maaasahan na ang mga beneficiaries ng festival na iyan. Ewan nga lang namin kung naibigay na ba nila sa mga beneficiaries ang kita dahil may reklamo rin naman ang mga lider ng industriya na hindi naman daw naibibigay ng MMDA iyong dapat ay parte na nila.
Gayunman, nakatutuwang isipin na kahit na paano may isa pang film festival na kumikita. Lahat ng ibang ginagawa nilang film festivals ay gastos lamang, pero walang kinikita. Kasi ang ipinalalabas naman nila sa mga festival na iyon ay puro indie na wala namang pag-asang kumita. Siguro kung mga 20 taon lang hindi pa matatanggap ng publiko iyang mga indie, by then uugod-ugod na iyang mga nagsusulong ng indie films ngayon.
Inaasahan ng lahat na ang magbabanggaan nang husto sa takilya ay si Vice Ganda at iyong team nina Coco Martin at Vic Sotto. Noong nakaraang taon, nanalo si Vice kontra kay Coco, kasi naman may back up siyang Daniel Padilla. Ngayong nagsama sina Coco at Vic, aba hindi na natin masasabi kung ano ang magiging resulta niyan. Kami mismo una naming panonoorin ang pelikula nina Coco at Vic.
May natitira pa namang apat na slots, na inaasahan ng ibang kompanya ng pelikula na makukuha nila. Pero roon sa apat na huli, maaaring ang piliin nila ay iyong sinasabi nilang quality films base sa kanilang standards. At least pasok na kung ano ang gustong mapanood ng mga tao. Hindi iyan kagaya ng ginawa nila noong minsan na puro mga pelikula nilang kung ano-ano ang ipinasok nila. Akala nila dahil festival lulusot sila, ayun bumagsak din ang festival sa pinakamababang gross.
At least natuto na sila dahil sa nangyaring iyon. Tandaan ninyo, sa pag-gawa ng pelikula, ang publiko ang boss. Kung ano ang gusto ng boss, iyon ang gawin ninyo kung gusto ninyong kumita. Hindi ninyo maloloko ang mga boss. Tingnan ninyo iyong kabi-kabilang festivals, kumita ba?
HATAWAN
ni Ed de Leon