MATAPOS personal na ipaabot ni Tourism Secretary Berna Romulo–Puyat kay Customs Commissioner Isidro Lapeña ang reklamo umano ng isang Chinese national na siya ay kinikilan (extorted) ng ilang Customs personnel sa NAIA, ay agad itong inimbestigahan ng Customs chief.
Ang imbestigasyon ay hindi iniutos ni Customs Commissioner Sid kundi personal niyang ginawa.
Agad siyang nagtungo sa tinutukoy na lugar sa NAIA base sa reklamo para magsagawa ng ocular inspection.
Isa sa mga unang tiningnan ng Customs chief ang CCTV footage. Ito nga naman ang higit na makapagpapatunay kung ano talaga ang naganap.
Napanood nila ang buong araw na footage, pero wala silang nakitang taga-Customs na nangikil ng pasahero sa nasabing CCTV footage.
Kung totoo ngang Customs personnel ang nangikil tiyak na makatitikim siya nang hindi niya malilimutang disiplina.
Pero walang sangkot na Customs personnel, klarong klaro sa CCTV.
Ipinagpasalamat naman ito ni Commissioner Sid pero siyempre hindi naman siya natuwa dahil ang mukha at dangal ng bansa ang nakasalang dito.
Hiniling rin niya na sana’y maging maingat at huwag naman kaagad na Customs ang ituturo kung sakaling may extortion na ginawa sa isang dayuhan o pasahero.
Nagpulong din ang mga kinatawan ng 10 ahensiya ng pamahalaan na nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kaya agad nilang napag-usapan ang insidente at natukoy na rin kung sino ang ‘suspek.’
Good job Commissioner Sid!
Mukhang ito na ang panahon para mag-iba naman ang imahen ng Bureau of Customs (BoC) lalo na sa NAIA.
Kudos po sa lahat ng nagkakaisang puwersa na nais maghatid ng pagbabago sa Customs.
Good luck po!
SINO ANG NAGPATAKAS
KAY LEE KWANG RAE!?
TATLUMPONG (30) immigration officers daw sa NAIA Terminal 3 ang ngayon ay sumasailalim sa masusing imbestigasyon kaugnay sa pagpapatakas umano sa isang Korean fugitive noong May 23, 2018.
Si Korean Lee Kwang Rae, 68 anyos, isang pugante sa Korea na may kasong Violation of Article 246 (Criminal Act of Gambling and Habitual Gambling). May kasalukuyan siyang warrant of arrest base sa impormasyon ng Korean consulate sa Cebu City.
Dumating sa Filipinas noong February 26, 2009 sa Mactan Cebu International Airport ang naturang Koreano at nagkaroon ng Special Retirees Resident Visa.
Base sa nakalap nating ulat, nagbayad umano ng P5 milyon sa hindi pa nakikilalang taga-immigration sa NAIA ang Koreano at nagawa niyang makalusot at makadaan sa Immigration departure counter ng walang hassle.
Sonabagan!!!
Hindi ba may mga CCTV camera naman ang bawat immigration counter sa likod mismo ng mga Immigration Officer kaya bakit hanggang ngayon ay hindi pa matukoy ang dinaanan nitong counter?
Natutulog ba sa pansitan ang mga taga-Bureau of Immigration National Operations Center (BINOC) kaya walang maibigay na CCTV footage?
Magkano ‘este sino ba ang immigration officers na naka-duty noong araw na pinalusot si Lee!?
May mga lumalabas din na balita na isang dating very close umano sa isang mataas na opisyal ng ahensiya ang nag-facilitate ng nasabing transaksiyon?
WTF!?
Panigurado na hindi iisang tao ang nagtrabaho n’yan!
Sa ngayon ay nag-request na raw ang pamunuan ng BI-Ports Operations Division kay BI Commissioner Jaime Morente para sa kopya ng CCTV upang malaman king sino ang magkakasabwat at mismong mastermind ng nasabing anomaly.
Napakasuwerte naman kung sakaling hindi nga nabisto ang trabaho ng pasaway na ‘yan sa airport!
Para siyang nakatagpo ng isang “jewel” na nakatago noong mga panahong iyun.
Malas nga lang kapag na-identify siya!
Pera na naging bato pa!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap