TAYONG mga Filipino ay likas na may takot sa Diyos, magalang sa kapwa, lalo sa kababaihan dahil natural sa atin ang pagiging maka-nanay; masayahin, mapagtimpi’t matatag sa harap ng mga suliranin.
Gayonman ay malinaw na dahan-dahang nagkakaroon ng kontradiksyon sa ating katauhan, katwira’t damdamin dahil ginigiba ang magagandang katangian ng ating lahi, ng iilan na mapanira nang mabuting asal at kultura sa pamamagitan ng kanilang mga ikinikilos na napanonood natin sa telebisyon o napakikinggan sa radyo.
Pero higit pa sa atin ay mas naaapektohan ng kontradiksyon na ito ang mga salinlahi sa ngayon. Dangan kasi ay hindi na magkatugma ang itinuturong mabuting asal sa mga paaralan at ang mga nakikita at naririnig sa labas ng campus, lalo ‘yung mga sinasabi at ikinikilos ni Rodrigo Duterte na nakikita ng bayan sa telebisyon.
Kamakailan ay ipinakita ni Duterte ang kanyang lubusang kawalang galang sa simbahang Romano Katoliko at katekismo nito sa pagsasabing “estupido ang Diyos” na kinikilala ng mga manampalataya nito. Ginawa niyang halimbawa ang tala ng pagkakalikha sa atin at sa sanlibutan na nakasulat sa Aklat ng Genesis bilang basehan ng kanyang sinabi. Bakit daw kailangang lagyan ng Diyos ng ahas ang hardin kung saan naandon si Adan at Eba. Hindi raw ba katangahan ng Diyos iyon?
Ewan ko kung saan sinuso ni Duterte ang kanyang kamalayan tungkol sa Diyos, sa Simbahan at Aklat ng Genesis pero malinaw na nalason siya ng kanyang mga sinuso, lason na ibig din niyang susuhin ng mga kabataan ngayon.
Malinaw na hindi inaral ni Duterte ang katuruan at pagbabago na hatid ng Ikalawang Vaticano (Vatican II) kaya paurong ang kanyang paniniwala kaugnay sa Diyos, Simbahan at lalo sa Aklat ng Genesis.
Hindi niya maaaring ikatuwiran na hindi niya alam na nilalason niya ang kaisipan ng mga batang walang muwang. Bilang abogado alam niya ang legal maxim na “Ignorantia Legis non Excusat” na ang ibig sabihin sa ordinaryong salita ay: “Hindi katuwiran o palusot ang pagiging ignorante o walang alam sa batas (sa pagkakataong ito ay kawalan ng alam tungkol sa Diyos at katuruan ng Simbahan).”
Nakalulungkot na mayroon tayong Pangulo na walang galang, hindi lamang sa ating pinaniniwalaang Diyos kundi sa ating mga mamamayan, kababaihan at mga institusyon.
Totoong maraming pagkukulang ang Simbahan, pero totoo rin na marami itong ginagawa upang mapunuan ito, isa na nga rito ang Vatican II. Para sa isang dambuhala at pandaigdigan na institusyon na nagsimula pa sa panahon ni Kristo Hesus, hindi madali ang mga pagbabago.
Dahil sa Vatican II na ginanap noong unang bahagi ng Dekada 60, ay kumikilos at nag-aabot ngayon ng kamay ang Simbahan sa mga taong mahihirap, pinagkakaitan at inaapi sa lipunan kaya ang pari ay nakikita na natin na nakikisalamuha sa mga taong hindi nililingon ng mga nasa kapangyarihan.
Ang Vatican II rin ang dahilan kaya pinupuna ng Simbahan at iba pang mga Kristiyano ang mga walang habas na pagpatay at pagyurak sa karapatan ng tao ng administrasyong Duterte.
***
Naawa ang Usaping Bayan sa mga guro na tiyak na nahihirapang ipaliwanag ang kontradiksyon ng kanilang itinuturo sa mga nakikita sa labas ng paaralan, lalo na sa mga inaasal ni Duterte na dapat sana ay huwaran ng bayan.
Gayonman ay patuloy na nanalangin ang Usaping Bayan na harinawa ay mabuksan ang puso at maliwangan ang isip ni Duterte.
***
Pasyalan ninyo ang Beyond Deadlines sa www.beyonddeadlines.com para sa mga balita sa ating nagbabagang panahon. Sana ay makaugalian ninyong bisitahin lagi ang website ng Beyond Deadlines. Salamat po. Pasyalan n’yo rin ang pahayagang Hataw sa hatawtabloid.com kung saan lumalabas din ang Usaping Bayan tuwing Miyerkoles at Biyernes.
USAPING BAYAN
ni Nelson Forte Flores