KUNG tambay kayo ng Eat Bulaga, tiyak na kilala ninyo itong si Emil Paden. Si Paden ang Grand Winner ng That’s My Tambay sa EB four years ago.
Ang kakaibang karisma at taglay niyang talent ang talagang hinangaan sa kanya ng mga manonood. At ngayong nagbabalik si Paden, iparirinig naman niya sa buong mundo ang kanyang galing sa pagkanta gayundin ang bagong single at album niya.
Bago pa man hinarap ni Paden ang kanyang career sa pagkanta, nagkaroon muna siya ng pagkakataong umarte sa harap ng camera. Lumabas siya sa mga TV show na Maynila at Idol Ko Si Kap sa GMA 7 at sa Wildflower ng ABS-CBN.
Kasama rin siya sa pelikulang Ang Bayan Ko, isa sa official entry sa QualiCinema Film Festival na gaganap siya bilang si Gen. Miguel Montero.
Naging bahagi rin si Paden ng SOP Boys, ang boy group na regular na nagpe-perform noon sa Sunday noontime show ng GMA, ang SOP. Sumali rin siya sa dance contest ng It’s Showtime, Dancing In Tandem.
At ngayong taon, itutuloy ni Paden ang hilig niya sa musika, sa pagharap sa panibagong pagsubok, ang pagiging recording artist. Magkakaroon siya ng eight-track album entitled, Ako Naman…Emil, isang collection ng moving love songs na tiyak bibihag sa puso ng bawat Pinoy.
Ang Ako Naman ang unang single na ilalabas mula sa album na ukol sa unrequited affection at pag-asa sa maibalik ang dating pagmamahalan. Isinulat ito ni Robster Evangelista.
Ang Ako Naman, na ipinamamahagi ng Curve Entertainment ay napakikinggan na sa mga radio station at simula noong June 22, ito’y ini-release sa digital platforms worldwide.
Mapakikinggan din sa album ang mga awiting Kumusta Ka na komposisyon ni Lito Camo, Ang Iyong Pagmamahal, Sabihin Mo Sa Akin na isinulat ni Jessa Mae Gabon, at ang classic OPM hit na Lumayo Ka Man Sa Akin (na original ni Rodel Naval) na binigyan ng Spanish guitar arrangement ni Jun Tamayo at siya ring co-producer ng album kasama ang veteran record executive na si Reck Cardinales.
Nasa album din ang Someone To Love Me Forever na isinulat at orihinal na ini-record ng soul and R&B artist na si Chris Walker, Ikaw Pala at Mukha Ng Pili-pina na isinulat ni Robster Evangelista.
Ang executive producer ng album ay si Malou Roxas (Maria Leonora G. Roxas) at ito’y ire-release rin sa Spotify, iTunes, Apple Music, Amazon, at Deezeer.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio