TATAMPUKAN nina Andi Eigenmann at Matt Evans ang pelikulang The Maid in London ni Direk Danni Ugali. Ang pelikula ay tumatalakay sa mga TNT o tago nang tago sa London at isa nga rito si Margo (Andi), isang mapagmahal na anak na handang gawin ang lahat para sa magandang kinabukasan ng kanyang mga mahal sa buhay. Napilitan siyang magtrabaho sa abroad, matapos na ang kanyang mga pangarap sa buhay ay mawasak ng lalaking kanyang minamahal.
Paano niya ide-describe ang pelikula?
Sagot ni Matt, ”Ito ay isang pelikula na punong-puno ng pangarap at pag-asa. Sobrang lapit sa realidad ng pelikulang ito. Ako po rito si Ben Santiago. Ako po ang gumanap na asawa ni Margo na pinagbidahan ni Andi.”
Nagkasama sina Matt at Andi sa teleseryeng The Greatest Love na pinagbidahan ni Ms. Sylvia Sanchez. Dito’y gumanap silang magkapatid, pero sa pelikulang ito’y mag-asawa ang dalawa. May love scene ba sila rito ni Andi at hindi ba sila nagkailangan?
“Actually, tawa kami nang tawa noong una. Kasi, parang hindi namin alam noong umpisa kung paano ie-execute. So, buti na lang si Direk Danni nasa tabi namin.
Mabuti at hindi rin ganoon karami iyong ilaw… tapos ay iyon nga, na kami-kami lang. Naitawid naman po namin talaga… sa umpisa talaga ay hindi maiaalis iyong ilangan. Pero since siyempre ay napaka-professional talaga ni Andi Eigenmann at napakagaling, kaya na-pull thru rin namin talaga iyong eksenang iyon,” nakangiting saad ni Matt.
Nabanggit din ng casts ng pelikula na makare-relate ang viewers na OFW o may kamag-anak na OFW sa pelikulang ito.
Showing ang The Maid in London sa July 4. Ito’y sa screenplay ni Direk Danni at base sa librong Tago ng Tago ni BL Pangasinan. Tampok din dito sina Polo Ravales, Janice Jurado, Joshua de Guzman, Alexis Navarro, at iba pa. Ang pelikula ay mula sa Cinem anila, UK at Viva Films. Ang producers ay sina BL Panganiban, Beth Rees, Steve Rees, Mark O’driscoll, Nhing O’driscoll, at Danni Ugali.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio