Sa presscon ng pelikulang The Maid In London na pinagbibidahan nina Andi Eigenmann at Matt Evans, na-corner namin si Janice Jurado at dito’y inamin niya na ‘natikman’ niya noon si Da King, Fernando Poe Jr.!
Dito ay nabanggit muna ng aktres ang mga project niya ngayon, bukod sa The Maid In London.
“Iyong Hinagpis, tapos na ‘yun, then ‘yung Kurdon, indie film ‘yan. Sa Hinagpis, ako ang bida, directed by Reyno Posa. Ang ganda ng role, it’s a true to life story. Tapos ‘yung true to life story ko, si Sue Ramirez ang first choice ko na gumanap. Movie ito, ang magdidirek ay si Buboy Tan saka si Tony Y. Reyes,” saad niya.
So ‘yung next two movie ninyo, true to life pala pareho? “Oo, true to life story ng isang taong sinalvage, tapos ay life story ko nga,” pakli ng 64 year old na actress.
Sumunod ay inusisa namin ang veteran actress kung totoo bang tinarayan siya noon ni Ms. Susan Roces sa burol ni FPJ?
Paiwas na saad ni Janice, ”Huwag na lang natin pag-usapan iyon… E, may balita kasi kay Susan na mali, kaya sinabi niya sa akin na huwag akong sumama sa libing. Parang iyong kaming dalawa ni FPJ, nalaman niya iyong nagkaroon kami ng relasyon.”
Nagkaroon ba sila rati ng relasyon ng yumaong Action King?
Pagtatapat ng aktres, “Oo, pero alam mo naman kapag may asawa, fling-fling lang iyon, e, hindi ba? Bakit hindi lang naman ako a, marami… Bakit ako ang pinupuntirya?”
Inilinaw din niya na hindi ang insidenteng ito ang dahilan kaya hindi siya napapasali sa TV series na FPJ’s Ang Probinsyano na pinagbibidahan ni Coco Martin. Si Susan ang gumaganap na lola rito ni Coco at sa nauna naming panayam kay Janice ay nabanggit niya noon na may pangako sa kanya si Coco na bibigyan ng papel sa kanyang top rating TV series sa ABS CBN.
“Pero, hindi naman iyon ang dahilan siguro kaya hindi ako mapasok sa ano (FPJ’s Ang Probinsyano), kasi mabait naman si Ate Susan. Tinutulungan din niya ako at saka si Ate Susan na rin ang nagsabi na, ‘Bakit hindi ninyo isama rito si Janice?’”
So, mula nang insidente sa burol ni FPJ na nagkikita kayo ni Ms. Susan, wala naman pong problema?
Tugon ni Janice, “Sa ano, sa Mowelfund, kapag may mga ano… Wala naman akong nararamdaman na galit siya o ano, wala naman.”
So, maliwanag na ba iyon lahat kay Ms. Susan? “Oo naman. Susan Roces-Fernando Poe, hindi naman mabubuwag iyan. Kung saka-sakali man, maninikim lang naman iyan, e. Hahaha! Maninikim lang at isa ako sa natikman!” Nakatawang saad niya.
Isasama po ba ninyo iyang kay FPJ sa true to life story movie na gagawin ninyo? ”Ah… ilalagay,” pakli pa niya.
Hindi kaya may mag-react kapag inilagay ninyo ang part na iyan? “Bakit naman sila magre-react, e, marami namang naging fling si Fernando Poe. Like si Anna Marin… True to life, e. Hindi naman pupuwede na kasinungalingan iyon, e.
“Ang hindi ko lang mailagay, iyong mga pangalan ng mga general na naging syota ko. Baka bigla na lang akong mapatay,” pahayag ni Janice.
Ilan po ba ang nakarelasyon ninyo nang seryoso sa showbiz? “Ang seryosong relasyon? Apat… ay ‘yung seryoso ba sa showbiz? Isa lang, siya lang. Puro ako politiko, more on politiko.”
Iyong fling po, ilan? “A ‘yung hindi seryoso? Hindi ko na binibilang, e. Hahaha!”
So, isa sa aabangan sa life story ninyo ang love story ninyo?
“Sana huwag siyang magalit, kasi true to life ito, e. Wala tayong magagawa, maraming nakakaalam. Baka kapag hindi ko inilagay ay sabihin nila, ‘Bakit hindi inilagay ‘yung kay FPJ? Mahalaga iyon, alam naman ni Ate Susan ‘iyon, e,” bulalas ng aktres.
Ang The Maid In London ay sa pamamahala ni Direk Danni na siya ring sumulat ng screenplay nito. Ang pelikula ay base sa librong Tago ng Tago ni BL Pangasinan. Bukod kina Andi, Matt, at Janice, tampok din dito sina Polo Ravales, Joshua de Guzman, Star Orjaliza, Tere Gonzales, at iba pa.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio