PATAY ang isang lalaking ‘pasaway’ sa kanilang lugar makaraan pagbabarilin ng hindi kilalang suspek habang sugatan ang 63-anyos tricycle driver na tinamaan ng ligaw na bala sa Malabon City, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Malabon police chief, S/Supt. Harry Espela ang biktimang si Anthony de Jose, 28, residente sa 1st St., Brgy. Tañong, habang ginagamot sa Tondo Medical Center si Jesus Algunajonata, 63, dahil sa tama ng ligaw na bala.
Ayon kay ni Brgy. Tañong kagawad Jun Buenaventura, pasaway umano sa kanilang lugar ang biktima at pumapasok sa mga bahay-bahay lalo kapag nalalasing.
Ayon sa imbestigasyon ni PO2 Rockymar Binayug, dakong 2:40 pm nasa 1st St., Desierto ang biktima nang biglang dumating ang suspek at pinagbabaril si De Jose na nagresulta sa kanyang pagkamatay. (ROMMEL SALES)