MAY controversy na naman ngayon si Senate President Tito Sotto, dahil sa ginawa raw niyang pagsulat sa isang online site na naglabas na naman ng kuwento tungkol kay Pepsi Paloma, at sa isang kasong nag-uugnay kina Joey de Leon, ang kapatid niyang si Vic Sotto, si Richie D’Horsey at sa kanya. May nagsasabing nagsimula raw iyan dahil din sa isang kanta ng Eraserheads, na sinabi naman ng grupo na hindi naman iyon ang tinutukoy nila.
Sinabi lang naman ni Tito Sen na wala namang basehan ang mga tsismis na iyon, kaya dapat tigilan na.
Hindi naman namin kinukuwestiyon ang kredibilidad niyong sumulat. Pero based pala siya sa abroad, at ang isinulat niya sa mga kuwento niya ay base lang sa mga kuwento ring narinig niya. Ang kaibahan nga lang, noong mangyari iyang mga bagay na iyan ay reporter na kami, at isa kami sa nag-cover ng nasabing istorya. Nangyari iyan 1985 pa eh, baka nga wala pang malay iyong sumulat.
Ang kuwento, kumain pa ng tanghalian si Pepsi. Tapos sinabi niya sa mga kasama niya sa bahay na magpapahinga siya at huwag siyang istorbohin. Noon dumating ang boyfriend niyang si Jose Sanchez ng 6:00 p.m. diyan sa bahay niya sa Quezon City, at saka lang nakita si Pepsi na patay na, at nagbigti gamit ang sash ng isang damit, doon mismo sa cabinet ng mga damit sa kuwarto niya.
May sinasabi noon na maraming frustrations si Pepsi. Bago iyon nahuli pa sila ng mga pulis habang nagpe-perform nang sexy sa isang sinehan sa Bulacan. May nagsasabi noon na mukhang problema na rin niya ang pera dahil nagkakahigpitan na rin naman sa mga pelikulang sexy noon.
Mga tatlong taon bago iyon, nangyari iyong mga bintang na umano ay na-rape siya. Manager pa niya noon ang yumao na ring si Rey dela Cruz, isang optometrist na movie writer din at talent manager. Noong panahong iyon, madalas naming pasyalan si Rey diyan sa clinic niya sa Quiapo. Palagay namin naikuwento sa amin ni Rey ang lahat ng detalye ng pangyayaring iyon.
Huwag namang magagalit sa amin ang kahit na sino, palagay namin walang “rape” base sa pagkakakuwento ni Rey noon. Nasulat na rin namin iyan noong panahong iyon. Nang malaunan iniurong ang kaso, wala na kaming alam sa kung anong dahilan.
Siguro kung mayroon mang nabubuhay pang nakaaalam ng kasong iyan, kami iyon dahil sinundan namin ang kaso simula sa umpisa. Reporter kami noon ng isang broadsheet at isang tabloid. Mukhang lihis nga, bukod sa walang batayang legal ang mga kuwentong kumakalat ngayon.
HATAWAN
ni Ed de Leon