Sunday , December 22 2024

Malaya nga ba tayo?

ANG pagpapahayag ng kalayaa’y tanda ng pagbawi sa sariling kaakohan (national identity) mula sa isang mapanakop na kapangyarihan. Gayonman hindi lahat ng pagpapahayag ng kalayaan ay nauuwi sa tunay na paglaya.

Noong isang araw ay ginunita ng pamahalaan ang ika-120 taong Deklarasyon ng Kalayaan ng diktador na si Emilio Aguinaldo. Nguit ang araw ng kalayaan na kinikilala natin ngayon ang tunay ba na araw ng paglaya o ito ay araw ng kataksilan laban sa bayan?

Mula ika-4 ng Hulyo ay ginawang 12 Hunyo ni dating Pangulong Diosdado Macapagal ang paggunita sa araw ng ating kalayaan para makuha ng kanyang administrasyon ang suporta ng mga makabayang puwersa. Kakatwang ginawa niya ito matapos niyang buksan ang ating ekonomiya sa mga dayuhan at gibain ang mga makabayang patakaran ng kanyang pinalitang pangulo na si Carlos P. Garcia.

Bago naging Araw ng Kalayaan ang 12 Hunyo ay kinikilala na ito bilang Pambansang Araw ng Watawat sapagkat sa petsang ito umano noong 1898 unang iwinagayway ang kasalukuyang bandila sa tahanan ni Aguinaldo sa Kawit, Cavite.

Pero ayon sa tala ng kasaysayan, unang iwinagayway ang ating bandila noong 28 Mayo 1898 sa kasagsagan ng labanan ng mga rebolusyonaryong Filipino at kawal Kastila sa barrio Alapan, Imus, Cavite. Ito’y 15 araw bago mag-12 Hunyo.

Gayonma’y mali pa rin na kilalalin ang 12 Hunyo ni Aguinaldo bilang Araw ng Kalayaan sapagkat noong Agosto 1896 pa, sa pangunguna ni Supremong Andres Bonifacio at ng mga kasapi ng Kagalanggalangan Kataastaasang Katipunan ng mga Anak ng Bayan (KKK-AnB), naipahayag na nila ang kalayaan ng bayan.

Ayon sa mga tala’t saksi, mula 23-26 Agosto 1896 ay idineklara ni Bonifacio at mga kasama ang kalayaan at ang pagsisimula nang himagsikan laban sa mga Kastila. Pinunit nila ang kanilang mga cedula at nagdaos ng mga makabayang pagpapahayag sa mga barrio ng Pugad Lawin, Kangkong, Bahay Toro at Pasong Tamo (na ngayo’y mga barangay ng Lungsod Quezon).

Hindi gaya ng malinaw na deklarasyon ng kalayaan ni Bonifacio, ang pahayag ni Aguinaldo sa Kawit ay oxymoronic o kinakikitaan ng mga elementong magkasalungat. Nagdedeklara ng ‘kalayaan’ pero kasabay ng pahayag ay idinedeklara rin niya na ang Filipinas ay isang protectorate ng United States.

Bilang US protectorate lumalabas na ibig ni Aguinaldo na ang Filipinas ay maging isa lamang teritoryo ng Amerika na may autonomiya tulad ng Puerto Rico o Guam at hindi isang malayang bansa. Hindi pinansin ng pamahalaang Amerikano ang pagsisipsip ni Aguinaldo at tayo ay kanilang pataksil na dinigma. Ang digmaang Filipino-Amerikano ay tumagal mula 1899 hanggang 1902 at tinatayang 600,000 hanggang isang milyong Filipino ang nasawi sa loob ng panahong ito.

Sa loob ng 48 na taon ay isang teritoryo ng US ang Filipinas. Noong 4 Hulyo 1946 ay binigyan tayo ng kalayaan ng mga Amerikano matapos nilang matiyak na mananatili tayong neo-kolonyal, isang kalalagayan na tunay na ugat ng ating kahirapan ngayon.

Ngayon, ang 12 Hunyo ba ay araw ng kalayaan o kataksilan?

***

Pasyalan ni­nyo ang Beyond Deadlines sa www.beyonddeadlines.com para sa mga balita sa ating nagba­bagang panahon. Sana ay makau­galian ninyo na bi­sitahin lagi ang website ng Beyond Deadlines. Salamat po. Pasyalan n’yo rin ang pahayagang Hataw sa hatawtabloid.com kung saan lumalabas din ang Usaping Bayan tuwing Miyerkoles at Biyernes.

USAPING BAYAN
ni Nelson Forte Flores

About Rev. Fr. Nelson Flores, MSCK, JD.

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *