UPANG tugunan at makaagapay sa lumalaking bilang ang pumipila sa passport appointment, pormal na inilunsad ng DFA kahapon ang kanilang passport ePayment Portal upang madagdagan ang kapasidad nilang tumanggap at magproseso ng passport applications.
Sa ilalim ng ePayment Portal, inire-require ang mga aplikante na magbayad ng kanilang processing fees sa mga payment center at sa kalaunan, sa pamamagitan ng debit at credit cards, pati na rin ng over-the-counter cash transactions sa mga piling banko.
“Sa tulong nitong bagong payment system, hindi lang mapapadali ang proseso ng pagbabayad ng ating mga aplikante dahil maaari silang magbayad kahit saan, kahit kailan, matutulungan din kami nitong ma-maximize ang capacity ng ating mga consular office,” wika ni Foreign Affairs Secretary Cayetano.
Ayon sa Kalihim, tanging 60 hanggang 65 porsiyento ng mga aplikante ang dumarating sa mga DFA consular office sa araw ng kanilang date of appointment noong lumang sistema.
“Sa pamamagitan ng ePayment, inaasahan namin na mababawasan ang mga no-show sa ating consular office, kung hindi man ito tuluyang mawala, mas mae-engganyo din silang pumunta kaysa masayang ang kanilang passport processing fee,” wika ni Secretary Cayetano.
At mukhang naging epektibo ito, dahil nang kanilang subukan ang ePayment sa DFA Aseana sa Parañaque ay 94-97 porsiyento ang naging show-up rate kompara sa kasalukuyang 60-65 porsiyento.
“Dahil sa halos 100 porsiyento na show-up rates at mas mabilis na pagpoproseso ng mga aplikante sa ating consular offices, mas darami ang mga aplikante na mapaglilingkuran araw-araw ng DFA sa pamamagitan ng ePayment, lalo na ‘yung talagang mga nangangailangan,” wika ni Secretary Cayetano.
Sa pamamagitan rin nito, maiiwasan ang mga fixer at scammer lalo na’t inire-require ng bagong scheme na magbayad ang mga aplikante bago ang kanilang personal appearance sa kanilang napiling consular office.
Ang bawat appointment ay non-transferable.
“Ang ePayment portal ay may safeguards na makatutulong para ma-discourage at mapigil sa mga mapagsamantalang indibidwal na nagho-hoard ng passport appointment slots,” dagdag ng kalihim.
Maaaring magbayad ang mga aplikante ng kanilang passport processing fee sa pamamagitan ng mga sumusunod na payment centers: Bayad Center; EcPay; Pera Hub; Robinson’s Business Center and Department Store; Walter Mart Department Store; 7-Eleven; USCC Western Union; at Villarica Pawnshop.
Ang ibang payment centers, gayondin ang credit/debit card payment facility ay magbubukas din kalaunan.
Inilinaw ni Foreign Affairs Assistant Secretary for Consular Affairs Frank Cimafranca, ang ePayment portal ay mag-a-apply para sa applications na naiproseso sa DFA Aseana Consular Office simula Hunyo at Hulyo sa Metro Manila at Agosto naman sa buong Filipinas.
“Ang ePayment system ay isa lamang sa mga programa ng DFA para ma-improve ang kakayahan ng publiko na ma-access ang passporting services,” wika ni Assistant Secretary Cimafranca.
Kamakailan, nagbukas ang DFA ng tatlong consular offices sa lungsod ng Tacloban, Ilocos Norte, at Isabela, at karagdagang anim na consular offices pa ang magbubukas sa iba’t ibang parte ng bansa.
Inilunsad din ng DFA ang programang Passport on Wheels nito lang taon, na halos 4,000 aplikante mula sa iba’t ibang lugar sa ating bansa ang kayang serbisyohan araw-araw. Higit sa 122,000 aplikante ang naserbisyohan na ng nasabing programa.
Dagdag ni Assistant Secretary Cimafranca, ang DFA ay nagsasasagawa ng mga hakbang upang mas maraming passport applications ang matugunan nito, tulad ng pagbubukas ng DFA Aseana tuwing Sabado, pagtaas ng daily capacity sa mga consular office sa buong bansa, pagpapalawak ng courtesy lanes para sa mga overseas workers, senior citizens, persons with disabilities, at iba pang sektor, at panghuhuli sa fixers at scammers.
Ang basic information at infographics tungkol sa ePayment ay maaaring makita sa website ng DFA.
Maaaring idirekta ang mga katanungan sa kanilang help desk: Telephone no. (02) 234 3488 email Address [email protected]
Sa iba pang development, mula Enero hanggang Mayo 2017, nakapag-issue ang DFA ng 1,589,211 pasaporte. Sa parehong mga buwan sa taong 2018 ay nakapag-issue naman ng 1,855,211 na pasaporte o may karagdagang 266,000 at katumbas ng 16.74%.
Mapapansin, mula 2016 hanggang 2017, ang passport issuances ay nadagdagan ng 19.38%, 1.89% na increase sa taong 2015 hanggang 2016, at .054% naman sa taong 2014 hanggang 2015.
Sa taong 2017, 10,500 passports ang nai-issue ng DFA araw-araw. Umabot sa 9,000 sa online appointment system at 1,500 mula sa walk-in applicants.
Ngayon ay umaabot na sa 19,000 ang mga naipoprosesong pasaporte ng DFA araw-araw. Mula sa online appointment system ay 12,000 at 1,000 sa mga first-time OFWs sa pamamagitan ng Licensed Recruitment Agencies.
Mula sa Passport on Wheels (POWs) ay 4,000 habang 2,000 mula sa walk-in applicants
Hindi pa kasama sa kabuuang bilang ang 2,000 tuwing Sabado sa Aseana; 8,000 kada araw mula sa walong (8) COs na bubuksan pa lamang; 1,200 kada araw mula sa dalawang (2) mega vans ng POWs.
Bukas ng tanghali ay magbubukas ng 50,000 slots at karagdagang 50,000 slots uli pagdating ng 9:00 pm.
Simula kahapon ay nagbukas na ng 10,000 slots ang DFA mula Lunes hanggang Sabado maliban kapag holidays (kagaya ngayon 15 Hunyo); 5,000 slots tuwing tanghali at 5,000 slots naman pagdating ng 9:00 pm.
Ang 10,000 ay dagdag sa 336,743 appointment slots para sa schedule mula 1 Hunyo hanggang 30 Setyembre 2018.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap