GINUNITA ang ika-120 anibersaryo ng Kalayaan na may temang “Pagbabagong Ipinaglaban, Alay sa Masaganang Kinabukasan” sa bantayog ni Gat Andres Bonifacio sa Monumento Circle, Caloocan City, kahapon ng umaga.
Pinangunahan nina Mayor Oscar Malapitan, 1st District Cong. Along Malapitan, 2nd District Cong. Egay Erece, Vice Mayor Maca Asistio III, Caloocan Police chief, S/Supt. Restituto Arcanghel at Danny Lim, chairman ng Metro Manila Development Authority (MMDA), ang pagtataas ng watawat ng Filipinas, pag-alay ng mga bulaklak at pagpapalipad ng mga lobo sa naturang okasyon.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Mayor Malapitan na 120 taon ang nakaraan nang ideklara ni Emilio Aguinaldo ang ating kalayaan mula sa mga mananakop na Kastila, sadyang mapagmahal sa ating kalayaan ang mga Filipino.
Pinasalamatan din niya ang mga bayaning sina Jose Rizal, Andres Bonifacio, Antonio Luna, Apolinario Mabini, Emilio Aguinaldo, Emilio Jacinto, Gregorio Del Pilar at libo-libong mga ninuno na nagbuwis ng kanilang buhay.
Ibinida ng alkalde ang kanyang mga nagawang proyekto sa lungsod kabilang ang mga bagong sasakyan ng mga pulis, karagdagang CCTV, mga pailaw sa kalsada, ang bagong bukas na Balay Silangan Reformation Center, tuloy-tuloy na out-patient rehab program, mega job fair buwan-buwan, edukasyon at cash for work program.
Habang simple ang panawagan ni MMDA Chairman Lim sa kanyang talumpati, sumunod sa batas para makabahagi sa pag-unlad ng bansa.
(ROMMEL SALES)