BATANGAS – Binawian ng buhay ang isang election officer makaraan pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Bauan, Batangas, nitong Lunes ng gabi.
Kinilala ang biktimang si Noel Miralles na nakatalaga sa Comelec office ng Mabini, Batangas.
Ayon sa ulat ng Bauan police, pasakay ng tricycle ang biktima nang pagbabarilin ng mga naka-motorsiklong suspek sa Brgy. 4 Poblacion pasado 6:00 ng gabi.
Agad tumakas ang mga suspek patungo sa bayan ng San Pascual.
Isinugod sa ospital si Miralles ngunit hindi umabot nang buhay.
Iniimbestigahan ng pulisya ang posibleng motibo sa pagpaslang sa biktima.