Friday , November 15 2024

Senado sa TRAIN law: Syut muna bago dribol

NASAAN ang sentido-kumon ng mga mam­babatas sa Senado na magsagawa ng pag­dinig kung ang “regres­sive” na Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law ang pangunahing sanhi ng walang puknat at patuloy na pagtaas ng mga bilihin at bayarin?

Kung kailan ipinatu­tupad na ang batas ay saka pa lamang nila naisipang magsasa­ga­wa ng public hearing.

Bakit, may iba pa kayang alam ang mga mambabatas na ibang dahilan sa hindi mapigil na pagsirit ng mga bayarin at bilihin maliban sa TRAIN law na lalo pang nagpatindi sa pagtaas ng mga produktong petrolyo dahil sa oil deregulation law?

Kaya nagpapatawag ng public hearing ang mga mambabatas kahit wala namang mangyayari ay para magmukhang nagmamalasakit sa mamamayan ang mga damuhong mambabatas.

Sa pagkakaalam natin, ang pagpapatawag ng public hearing sa stake holders at mga apektadong sektor ay proseso na dapat isina­sagawa habang hindi pa naipapasa ang anomang batas.

Pero pagdating sa TRAIN law ay baligtad ang nangyari, ipinasa muna nila ang batas bago sila magsasagawa ng pagdinig.

Kumbaga sa basketball, shoot muna bago dribol!

Ibig sabihin lang niyan, ang mamamayan ay gustong isakay ng mga mambabatas sa malaking tsubibo para libangin dahil sa nalalapit na naman ang eleksiyon.

PAGPASA NG TRAIN LAW
MALAKING KATRAYDURAN
LABAN SA MAMAMAYAN

HALATA naman ang sabwatan ng mga mambabatas at ng mga ekonomistang pulpol dahil matulin pa sa alas-kuwatro na naipasa ang TRAIN law.

Ipinanukala ang TRAIN law noong Setyembre 2017 at nitong Enero 2018 ay agad naipatupad matapos lagdaan ni Pang. Rodrigo “Digong” Duterte noong Disyembre 2017.

Bukod-tangi ang TRAIN law kompara sa karaniwang batas na natetengga lang sa Kamara at Senado na bago maipasa ay inaabot ng siyam-siyam.

Sa madaling sabi, inapura ang pagpasa ng TRAIN law habang ang mamamayan ay walang kalaban-laban sa mga mapagsamantalang negosyante.

Hindi ba karamihan sa malalaking negosyante na napaboran ng TRAIN law ay nagdodonasyon sa kampanya ng mga politiko at mambabatas tuwing eleksiyon?

Ang TRAIN law ay nagdudumilat na katray­duran ng mga walanghiyang politiko at mamba­batas laban sa mamamayan na hindi dapat kali­mutan ng mga botante sa susunod na eleksiyon.

Kaya ang mga traydor na politiko at mam­babatas na pumirma upang maipasa ang TRAIN law sa Kamara at Senado ay magagamit na barometro para hindi sila iboto.

Hindi imbestigasyon ang dapat gawin ng mga mambabatas kung talagang ramdam nila ang pagdurusa ng mamamayan, kung ‘di ang agarang pagbasura sa TRAIN law.

Kung hindi ‘yan ang kanilang gagawin ay sa eleksiyon na lang sila pagbayarin sa kanilang kasalanan, baka sakaling mabasura ang TRAIN law kapag iba na ang mga mahahalal na mambabatas.

Sa ngayon, ang mamamayan ay umpisahan nang gumawa ng listahan ng pangalan ng mga mambabatas na pumirma sa TRAIN law para hindi na mahirapang tandaan kung sino ang mga hindi nila karapat-dapat iboto sa susunod na eleksiyon.

KUMAMBIYO SI PERNIA

BIGLANG kambiyo si Socio-economic Planning Secretary Ernesto Pernia pagkatapos bombahin ng publiko sa paha­yag na sapat sa pamilya na may 5 miyembro ang P10,000 budget kada buwan para mabuhay nang maginhawa.

Siguro, ma­raming tumawag sa kanilang opisina at pinakikiusapan na kung maari’y ang mga tauhan nila sa NEDA ang mamalengke para mapagkasya ang P127 na budget sa pagkain ng buong pamilya sa isang araw.

Binawi ni Hernia, ‘este, Pernia ang unang pahayag ng NEDA at sinabing P42,000 ang angkop na kita para sa isang pamilya na may 5 miyembro.

Pero para kumita ng P42,000, kailangan ay dalawa ang naghahanapbuhay sa isang pamilya na may 5 miyembro na tig-P21,000.

Ang hindi sinabi ni Luslos, ‘este, Pernia ay kung may maibibigay siyang trabaho para kumita ng P42,000 ang mga pamilya na isa lamang ang may trabaho at ang karaniwang kinikita ay P10,000 lang.

KALAMPAG
ni Percy Lapid

About Percy Lapid

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *