SA The Cure, mas hirap si Tom Rodriguez physically kaysa kay Jennylyn Mercado dahil mas maraming fight scenes at stunts si Tom kaysa kanya, ayon mismo kay Jennylyn.
“Wala siyang double, kaya niya eh,” bulalas pa ni Jennylyn tungkol sa kanyang leading man. ”Enjoy siya! Si Tom, grabe ‘yan gumawa ng eksena.”
Si Jennylyn, ang pinaka-daring stunt na nagawa niya ay sa pelikulang Super Noypi na entry ng Regal Films saMetro Manila Film Festival noong December 2006.
Bukod kay Jennylyn ay nasa naturang pelikula rin sina Mark Herras, Katrina Halili, Polo Ravales, John Prats, at Sandara Park bilang anim na kabataang magkakaibigan na may taglay na superpowers.
“Nakatatawa ‘yun! Pinahawak ako sa ano ng helicopter, ‘yung bar, sa paa ng helicopter, nakasabit ako tapos pinaikot sa buong Quezon City, paikot-ikot!”
Naka-harness naman siya ng mga sandaling ‘yun.
“Pero ‘yung feeling na nakakapit lang ako,” at tumawa si Jennylyn. Wala raw siyang double sa naturang eksena.
“Kasi yung camera nakaharap sa akin tapos kita ‘yung buong ano.”
Mabuti at pumayag siya.
“Wala naman akong choice e,” at tumawa si Jennylyn. ”Sabi ni Mother Lily eh, ‘Okay po, Mother’,” at muling tumawa ang Kapuso actress.
Matagal ang naturang eksena.
“Oo paikot-ikot kami, ang tagal! Kailangan nila ng mahabang material. “Ang tagal ko ha,” at muling tumawa si Jennylyn.
Samantala, hindi muna gagawa ng pelikula ngayong taong ito si Jennylyn.
“Nagpo-focus ako rito sa ‘The Cure,’” pagtukoy niya sa GMA primetime series niya.
“Kasi medyo madugo po siya eh, medyo malalaki ‘yung mga eksena kaya pag-uwi mo talagang kailangang magpahinga na,” at tumawa si Jennylyn.
Gumaganap sina Jennylyn at Tom sa The Cure bilang mag-asawang Charity at Gregory Salvador.
(ROMMEL GONZALES)