TULUYAN nang napundi ang libo-libong TNVS drivers kay PBA Party List Koko Nograles dahil sa sinabing patuloy na panggigipit ng mambabatas sa kanila.
Kung dati ay tikom-bibig ang TNVS drivers, ngayon ay inihayag ng TNVS driver leaders na isusulong nila ang demanda laban kay Nograles na siya umanong dahilan kung bakit nagkakawindang-windang ang kanilang kabuhayan.
“Dalawang buwan nang wala ‘yang P2 per minute, nagkakandautang-utang na kami para mabayaran ang monthly amortization ng mga sasakyan namin. Mapipilitan na talaga kaming gumawa ng aksiyon. Isang buwan na lang na ganito pa ang sitwasyon, mamamatay na ang TNVS. Magdedemanda na kami ng damages laban kay Nograles,” ani Marvin de Belen, founder ng Organized Transporters Network Society and Road Grabbers Group.
Simula 19 Abril, sinuspende ng LTFRB ang P2 per minute fare component ng Grab dahil sa isinampang complaint ni Nograles sa ahensiya.
Kuwento ni De Belen, ilan sa kanilang mga kasamahan ay tumigil na muna sa pagpasada. Hindi na raw kasi makasabay sa taas ng presyo ng krudo at gasolina ang kanilang kita sa pagmamaneho bilang TNVS, lalo nang suspendehin ng LTFRB ang P2 per minute fare component ng Grab.
Dahil dito, hirap maka-book ang mga pasahero, at mas madalas na nagsu-surge ang pasahe dahil sa kakulangan ng supply ng TNVS.
“Nahihirapan ang drivers sa suspension ng P2 per minute na ‘yan. Kung gusto kami tulungan ni Nograles, bakit ‘di na lang n’ya iatras ang complaint? S’ya naman ang complainant sa kaso na ‘yan kaya sinuspende ng LTFRB ‘yung P2 per minute,” dagdag ni De Belen.
“Tutal ang pinag-ugatan naman ng problema ay si Nograles, dapat ibalik n’ya sa amin bilang danyos ‘yang nalugi sa aming lahat na TNVS drivers na P2, na magdadalawang buwan nang suspended,” ani De Belen.
Pinabulaanan naman ni Jenina Pineda, isang TNVS driver na single mom, na sila ang lumapit kay Nograles para humingi ng tulong tungkol sa kanilang mga problema.
“Ipinatawag n’ya kami sa meeting. Hindi kami ang humingi ng tulong kay Congressman Nograles. Umasa akong sincere s’ya nang humingi s’ya ng meeting, pero pagdating namin doon andaming media. Nagpakilala pa s’yang s’ya si Mr. Expose,” sabi ni Pineda.
Naiyak si Pineda sa meeting nang ikuwento na nahihirapan na s’yang bayaran ang kanyang bills sa koryente, simula nang nawala ang P2 per minute fare ng Grab.
“Tapos ang staff ni Cong na si Ms. Mae, palagi pang tumatawag sa ‘kin para humingi ng meeting sa akin. Bakit ako lang? Marami kaming apektado. Sana tratohin kaming tama at patas, kaming lahat na mga apektadong TNVS dahil sa ginawa n’ya,” dagdag ni Pineda.
Aminado ang Grab na tali ang kanilang kamay sa pagtugon sa problemang ito ng mga driver.
Noong nakaraang buwan, nag-file na ang kompanya ng petition para ibalik ang P2 per minute fare component.
“Hinihintay po natin ang sagot ng LTFRB. We already asked them to lift the suspension, para makabawi ho kayong TNVS drivers,” sabi ni Brian Cu, Country Head ng Grab, sa TNVS drivers.
Nangako ang Grab na isa-subsidize ang lugi ng drivers mula sa P2 per minute na nakabinbin ngayon sa LTFRB. Sabi ni Cu, ito ang paraan para makatulong sa supply at sa mas madaling pag-book ng mga pasahero.
Nakiusap si Cu sa mga driver na patuloy na bumiyahe para matugunan ang lumalaking demand ng mga pasahero.
“Konting tiis lang po, makararaos din tayo. Sama-sama ho natin harapin ang problemang ito, hindi kayo papabayaan ng Grab,” dagdag ni Cu.
Sa ngayon, LTFRB lamang ang makasasagot kung kailan matutuldukan ang kalbaryo ng TNVS drivers at mga pasaherong umaasa sa serbisyong ito.
HATAW News Team