KASYA na ang halagang P3,834 na gastusin sa pagkain ng bawat pamilya na may 5-miyembro sa loob ng isang buwan, ayon sa National Economic Development Authority (NEDA).
Katumbas ito ng halagang P127 sa isang araw na budget para sa pagkain ng buong pamilya.
Kaya’t hindi raw maituturing na “poor” o dukha ang mga nabibilang sa pamilya na may 5-miyembro na P10,000 ang income o kita kada buwan.
Kung ‘di man pang-iinsultong matatawag ay tahasang panunudyo ang hindi makatotohanang pahayag ng NEDA para pagalitin ang mamamayan laban sa pangulo.
Bale ba ay hindi pa humuhupa ang matinding pagkainis ng mga mamamamayan sa pambabastos ni Department of Budget and Management (DBM) Sec. Benjamin Diokno na tinawag niyang mareklamo (cry baby) at sinumbatan pa na hindi nagsisipagbayad ng buwis sa pamahalaan.
Hindi ba’t gobyerno ang nagtanggal ng “direct tax” mula sa kita o suweldo kapalit ng mas matinding epekto ng “indirect tax” para maipatupad ang Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN) na si Diokno ang promotor?
Kung sa palagay pala ng mga ekonomistang pulpol sa NEDA na puwedeng makatawid sa budget na P127 para sa pagkain kada araw ang isang pamilya na may 5-miyembro, bakit ‘di nila subukang kumuha na lang ng P10,000 suweldo sa gobyerno kada buwan at isuko ang kanilang mga naglalakihang benepisyo?
Kaya naman hanggang ngayon ay hindi ako kombinsido na ang titulong ekonomista ay propesyon na hindi maipaliwanag kung ano talaga ang trabaho o gampanin sa gobyerno.
Kung manghuhuli ka raw ng tanga, sa gobyerno talaga maraming naglipana at nagsisiksikan pa. Ultimo si Sen. Panfilo “Ping” Lacson nga na hindi naman kauri na mas mataas na ‘di hamak ang estado sa mga kumikita ng buwanang P10,000 ay halatang napailing sa pahayag ng NEDA.
Sabi ni Lacson, “Actually, we can, only if my family will eat only once a day, won’t brush our teeth nor take a bath, and walk every day to and from our place of work but avoid perspiring so we won’t wash our clothes.”
Sarkastikong reaksiyon ni Lacson sa pahayag ng NEDA, “Kahit P10 ay kasya sa isang buong pamilya basta’t ‘wag lang hihinga.”
Kulang na lang sabihin ni Lacson na patay lang ang hindi humihinga.
‘Di kaya kabilang ang mga opisyal ng NEDA sa mga “lihim na kaaway” ni Pang. Rodrigo “Digong” Duterte na kanyang naitalaga sa puwesto?
Sa dami ng bagahe na nagpapabigat sa kasalukuyang administrasyon, si Pres. Digong ay hindi na nangangailangan ng mga kalaban sa oposisyon.
Ang tawag daw diyan ay, “Sleeping with the enemy.”
PAYO KAY KRIS AQUINO
NASABI na ni Kris Aquino ang dapat niyang sabihin sa pambabastos ni Mocha Uson kay yumaong dating Senador Benigno Aquino, Jr. sa isyu ng pakikipag-lips-to-lips ni Pres. Digong sa isang may-asawang OFW sa South Korea.
Mismong ang pangulo na kasi ang nagpakumbabang humingi ng dispensa kay Kris na ipinaabot sa kanya ni Sec. Bong Go, Special Assistant to the President.
Sapat na ang nahakot na simpatiya ni Kris laban kay Uson na halata namang hindi alam ang kahulugan ng “propriety” o kawastuhan.
Gusto lamang magpakita ni Uson ng katapatan kay Pres. Digong, kahit pa sabihin na ang mga tulad niya ay walang modo at urbanidad.
Matalino si Kris kaya’t alam niyang malaki ang pagkakaiba ng kanyang upbringing kay Uson.
Sa pananalita pa lang ni Uson ay kitang-kita na ang malaking pagkakaiba ng pagkatao ni Kris sa kanya.
Sabi ba naman ni Uson, “Ito po ang aking response sa live video ni Ms. Kris Aquino. This is not about Kris Aquino. Tungkol ito sa paglagay ng malisya sa isang halik. Itinumbas lang sa gawain ng ibang lider tulad ng tatay niya.”
Kung inaakala ni Uson na naidepensa niya si Pres. Digong ay nagkakamali siya, kaya marahil agad humingi ng paumanhin ang pangulo kay Kris.
Lumilitaw kasi na ang pagkaladkad ni Uson sa dating senador ay bumalandra pa kay Pres. Digong. ‘Di ba lalabas na mas masama ang paghalik ni Pres. Digong sa babae kaysa paghalik ng babae kay Ninoy?
Sabi nga, ”Never to wrestle with a pig, you’ll get dirty.”
KALAMPAG
ni Percy Lapid