MATAPOS natin maipakilala si Sereno ay aalamin ang isang pangyayari na sa palagay ng Usaping Bayan ay dapat malaman ng lahat.
Hindi nag-inhibit sa deliberasyon ng Quo Warranto petition
Bago nagkaroon ng deliberasyon at desisyon sa isyu ng Quo Warranto ay hiningi ni Sereno ang pag-inhibit o hindi pagsali sa usapin nina Associate Justices Diosdado Peralta, Teresita De Castro, Lucas Bersamin, Samuel Martires, Francis Jardeleza at Noel Tijam dahil sa umano ay bias sila laban sa kanya.
Lumabas umano ang bias nila nang sila ay tumestigo laban sa kanya sa panahon ng impeachment hearing ng House Committee on Justice. Pansinin na ang pangalan ni De Castro at Jardeleza ay kasama sa listahan ng mga inerekomenda ni Peralta kay Aquino para kanyang pagpilian kung sino ang iuupo noon (2012) na Supreme Court bilang Chief Justice. Si Peralta ang chairman ng JBC noong taon na iyon. Ang kinalaman ni Peralta tungkol sa JBC ang isa sa mga dahilan kaya hiningi ni Sereno ang kanyang inhibition.
Bukod dito, ayon sa tala ng Mataas na Hukuman, naniniwala rin ang dating Chief Justice na bias si Peralta laban sa kanya dahil may paniwala na siya ang may kagagawan kaya naalis ang pangalan ng kanyang asawa, na si Court of Appeals Associate Justice Fernanda Lampas Peralta, sa listahan ng mga kandidato para maging Presiding Justice ng Appellate Court.
Pinabulaanan ni Peralta ang bintang ni Sereno at sinabing suportado niya ang reporma na ginagawa nito sa Korte Suprema. Ipinaliwanag din niya na kahit siya ang JBC chair noong 2012 ay “hindi niya nalaman” ang isyu tungkol sa SALN ni Sereno.
At katulad ng lahat na Associate Justices na hinilingan ni Sereno na huwag makisangkot sa deliberasyon, hindi rin nag-inhibit si Peralta.
Parang kalamansi sa sugat na kinatigan ni Tijam ang kanilang pasya na huwag mag-inhibit sa deliberasyon ng Quo Warranto petition ni Calida laban kay Sereno.
Judge, Jury at Executioner
Dahil hindi nagpasintabi ang mga kasamahan na hinilingan ni Sereno na mag-inhibit, lumabas tuloy na sila ang mga kasamang may sama ng loob sa sinampahan ng Quo Warranto ang umakto na adjudicator (judge), taga-hatol (jury) at tagapagpatupad (berdugo o executioner) ng pasya kaugnay sa Quo Warranto petition ni Calida.
Hindi alam ng Usaping Bayan kung makatarungan ang ganitong siste na iisang lupon ang mag-a-adjudicate, huhusga at magpapatupad ng sentensiya. Bukod pa rito, sila ay magkakasama sa trabaho at tiyak na may kanya-kanya na silang personal na maganda o pangit na saloobin o impression sa bawat isa.
‘Ika sa Ingles this is not a disinterested body that will decide on a certain issue. May dahilan kung bakit hangga’t maari ay hindi iniimbestigahan ng bawat isa ang isa’t isa sa isang tinatawag na collegial body.
(May kasunod sa Miyerkoles)
***
Pasyalan ninyo ang Beyond Deadlines sa www.beyonddeadlines.com para sa mga balita sa ating nagbabagang panahon. Sana ay makaugalian ninyo na bisitahin lagi ang website ng Beyond Deadlines. Salamat po. Pasyalan nyo rin ang pahayagang Hataw sa hatawtabloid.com kung saan lumalabas din ang Usaping Bayan tuwing Miyerkoles at Biyernes.
USAPING BAYAN
ni Nelson Forte Flores