KUNG masusing bubusisiin ang merito ng kasong balak isampa o naisampa na ni Ynez Veneracion laban sa isang babaeng negosyante, lumalalabas—ayon sa kanyang pahayag—ay hindi lang ito babagsak sa cyber libel.
Ang pagsipot ni Ynez kasama ang ilan pang complainants ni Kathy Dupaya nitong Sabado ay ikalawa na mula sa kanilang kampo.
Ayon kay Ynez, hawak niya ang printouts ng ilang pahinang halaw sa mga FB posts ni Dupaya na aniya’y magpapatunay na paninirang-puri ang mga ‘yon sa kanyang pagkatao.
Dagdag pa ng dating seksi aktres, pati ang kanyang anak ay idinamay umano ni Dupaya.
Kung totoo man, maaaring isama ni Ynez ang paglabas ni Dupaya sa RA 9262 na naglalayong proteksiyonan ang mga karapatan ng mga bata.
Ang anak ba ni Ynez na tinutukoy niya ay ‘yung naging bunga ng pakikipagrelasyon niya sa isang kapatid na Muslim (open secret ang kuwentong ‘yon sa showbiz, pero naghiwalay na rin sila ng tatay ng batang nasa politika rin)?
Medyo ikinaaliw lang namin ang inilahad na kuwento ni Ynez.
Matatandaan kasi na sa unang pagharap sa media ng mga umano’y naloko ni Dupaya ng halagang aabot sa milyon-milyong piso, ang kay Ynez ang pinakamaliit. Ang pinakamalaki ay kay Joel Cruz, pumapangalawa si Sunshine Cruz.
Malayo ang agwat ng halagang umano’y pagkakautang ni Dupaya kay Ynez: P200,000.
Pero kuwento ng aktres, nabayaran daw siya nito nang ibunyag ng kampo ni Ynez ang tungkol sa umano’y scam nito. Bale ang balance na lang ni Dupaya ay P60,000 na lang.
Maliwanag na ang hinahabol ni Ynez—kung pera ang pag-uusapan—ay ang 60k.
Alam nating lahat na hindi lang malaking abala ang hatid ng anumang demandang nais isampa ng isang tao sa korte. Malaking factor din ang perang panggastos sa abogado at kung anupamang attendant expenses.
Mukhang sa P60K na hinahabol ni Ynez ay lugi pa siya. Baka ang tutukan na lang ang kanyang kaso laban kay Dupaya ang mas atupagin niya kaysa tumanggap ng trabaho.
Hindi sa pangmemenos sa estado ni Ynez bilang artista. Mahusay siya kung mahusay bilang aktres. Pero ang kawalan ng regular na pinagkukunan ng income ang mas dapat niyang i-address.
Suki nga si Ynez sa mga indie film, gasino na lang ang kita mula roon? May regular TV show din ba siya? Maliban na lang siguro kung sa tagal na ni Ynez sa industriya’y marami na siyang naipon. O baka rin naman suportado siya financially ng tatay ng anak na sinasabi niyang idinamay ni Dupaya.
Bilib kami kay Ynez dahil sa kanyang pakikipaglaban sa mga karapatan niyang nilabag umano ni Dupaya. Hard-earned money tiyak ang nais ni Ynez na maibalik sa kanya.
Pero kung lalabas na abonado pa siya kaysa kanyang makukuha, is her case worth fighting for in court?
ni Ronnie Carrasco III