PATAY ang lady Ombudsman assistance prosecutor na kalaunan ay natuklasang buntis, makaraan pagsaksakin ng hindi kilalang lalaki habang nakatayo sa harapan ng isang lotto outlet sa Quezon City, kahapon ng umaga.
Sa ulat na ipinadala ni Quezon City Police District (QCPD) director, C/Supt. Joselito Esquivel Jr., kay National Capital Region Police Office (NCRPO) director, Chief Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar, ang napatay ay kinilalang si Atty. Madonna Joy I. Ednaco-Tanyag, Assistant Special Prosecutor ng Office of the Ombudsman, at residente sa Rancho 3, Concepcion 2, Marikina City.
Sa imbestigasyon ng pulisya, dakong 11:20 am, nang maganap ang krimen sa harapan ng lotto outlet sa 51 Visayas Avenue, Brgy. Vasra, Quezon City.
Nakatayo ang abogada nang lapitan ng suspek at walang habas na pinagsasaksak.
Isinugod sa East Avenue Medical Center si Tanyag ngunit idineklarang dead on arrival dahil sa mga saksak sa katawan.
Posibleng simpleng panghoholdap ang naganap ngunit nanlaban ang biktima na humantong sa pananaksak ng suspek.
Magugunitang nitong 11 Mayo 2018, tinambangan at napatay ng mga armadong kalalakihan si Quezon City Deputy Prosecutor at Chief Inquest Rogelio Alfiler Velasco, sa Holy Spirit Drive, Brgy. Holy Spirit, Quezon City.
Patuloy ang isinagawang imbestigasyon at pinag-aaralan ang kuha ng CCTV sa lugar para sa posibleng pagkakakilanlan ng suspek.
ni ALMAR DANGUILAN