HINDI na dapat umasa pa ang mga senatorial bets ng Liberal Party (LP) na mananalo sila sa darating na 2019 midterm elections. Tiyak na sa pusalian sila dadamputin kung itutuloy nila ang kanilang kandidatura.
Ang LP sa ngayon ay naghihingalong political party. Iniwan na ang LP ng kanilang mga lider at miyembro na ngayon ay pawang mga kasapi na ng kasalukuyang partido ng administrasyon na PDP-Laban na pinamumunuan ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte.
Sabi nga, ang kinang ng LP noong panahon ni dating Pangulong Noynoy Aquino ay naglaho na!
Pero ang masakit nito, sa kabila ng wala na nga sa poder ang LP, ang mga lumulutang na senatorial candidates ng partido ay wala rin talagang kapana-panalo sa darating na halalan. ‘Ika nga, panis!
Mga pambarangay na maituturing ang mga pangalang ipinalulutang na senatorial bets ng LP. Sa survey pa lang ng SWS at Pulse Asia, wala man lang pumasok sa Magic12 sa kanilang mga kandidato maliban na lamang siguro kay Senator Bam Aquino.
At hindi rin naman nakatitiyak si Bam kung makalulusot pa siya sa darating na halalan.
Mantakin mo ba namang pati sina Cebu City mayor Tomas Osmeña, Rep. Kaka Bag-ao ng Dinagat Islands, Kit Belmonte, former Pampanga Governor Ed Panlilio, Ramon Magsaysay Jr., Gary Alejano ay tatakbo raw sa Senado? Kumbaga sa karera ng kabayo, grupong bulok ang senatorial bets ng LP. Iiwanan lamang ang mga ito ng milya-milya ng kanilang makakalaban kung magsisimula na ang karera sa 2019.
Mabuti pa itong sina Congressman Sonny Belmonte, Raul Daza, Edcel Lagman na kaagad na itinanggi na tatakbo sila sa Senado sa susunod na taon. Alam din naman kasi nilang wala silang panalo.
Hindi pa ba sapat ang sinabi ni Vice President Leni Robredo na sa ngayon ay halos kakaunti na lamang ang mga miyembro ng LP, at malamang na hindi nila mapuno ang 12 na kandidato sa kanilang senatorial lineup.
Lumalabas na wala talagang senatoriables ang LP na masasabing de-kalidad at maaaring ipambangga sa mga pulitikong ngayon ay nangunguna sa mga survey ng SWS at Pulse Asia.
Sabagay, no worries ang LP dahil sa ngayon kahit sabihin pang may bentaha ang PDP-Laban dahil sa kanilang machinery at organisasyon, wala rin namang kapana-panalo ang mga kandidatong pinangalanan ni Speaker Pantaleon Alvarez.
Walang ipinagkaiba ang mga senatoriables ng PDP-Laban sa mga bet ng LP dahil pare-pareho lamang silang mga bulok at hindi mananalo sa darating na halalan.
SIPAT
ni Mat Vicencio