SWAK sa kulungan ang isang 31-anyos lalaki na nag-aalok ng mga bogus na membership promo para sa tatlong uri ng pampaganda at serbisyong pangkalusugan sa mga estudyante, makaraan arestohin nang bumalik sa paaralan upang maghanap muli ng iba pang bibiktimahin sa Valenzuela City, kamakalawa.
Kinilala ni Valenzuela police chief, S/Supt. Ronaldo Mendoza Ruel ang suspek na si Carlo Fianza, residente sa Block 2, Lot 4, Arty 4, Brgy. Karuhatan, nahaharap sa kasong estafa, inaresto ng security personnel ng Our Lady of Fatima University.
Ayon kay S/Supt. Mendoza, ang suspek ay positibong kinilala nina Danica Gravo, 21; Maria Edraly Balani, 20, at Joseph Van Pinto, 19, pawang mga estudyante ng OLFU, na nagbigay ng P500 bilang membership fee sa promos para sa pampaganda at health services ng Ulat Dental Clinic, Hair Mystic Salon and La Fraciosa Skin, at Body Center na may sangay umano sa SM Valenzuela.
Gayonman, nang puntahan ng mga biktima ang naturang mall, nalaman nila na walang sangay ng nasabing establisiyemento na nakalista sa mga polyeto at kalaunan ay nadiskobreng ang La Frasiosa Skin at Body Center ay nasa Meycauayan, Bulacan.
Dakong 1:30 pm kamakalawa, nang maispatan ng mga biktima ang suspek sa loob ng compound ng kanilang paaralan kaya agad silang humingi ng tulong sa security personnel at ipinaaresto si Fianza.
(ROMMEL SALES)