INIHAYAG ng Bangsamoro Transition Commission (BTC) na kanila nang ipauubaya sa mga mambabatas ang tuluyang pag-aaproba sa Bangsamoro Basic Law (BBL), ito ay makaraang mailusot sa pinal na pagbasa ng Kamara at Senado.
Binigyang diin ni Moro Islamic Liberation Front (MILF) vice chairman for political affairs at expanded BTC head Ghadzali Jaafar, nakita nila ang pagsisikap ng mga mambabatas na nagsulong ng panukala.
Nais ng MILF official na mapanatili ng bicameral conference committee ang ilang orihinal na probisyon na dati na nilang ipinupursigi.
Nananalig sila sa pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte na maisasama sa SONA sa Hulyo ang BBL bilang ganap na batas, lalo’t personal umano itong sinabi sa kaniya ng punong ehekutibo.
Kasama si Jaafar sa mga nakipagpuyatan sa mga senador sa debate para sa BBL sa kanilang last session day.
Una rito, inabot ng pasado 1:00 am, ang paghimay ng mga senador sa mahigit 100 pahina ng panukalang batas.
Ngunit ayon kay Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, kaya tumagal nang hanggang umaga ang proseso nila ay upang matiyak na maipapasok ang mga kinakailangang pagbabago at matanggal ang mga bahaging maaaring kuwestyonin sa aspektong legal.
Sa huli, 21-0 ang naging botohan ng mga senador para sa BBL.
Wala sa pagdinig si Senador Manny Pacquiao at ang nakapiit na si Senadora Leila de Lima.
Habang sa Kamara ay 227 mambabatas ang pumabor, 11 ang kumontra at dalawa ang nag-abstain.
Dahil dito, ihahabol ng bicameral conference committee ang pagsasaayos ng pinal na bersiyong lalagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte, bago ang kaniyang SONA.
(CYNTHIA MARTIN)