MULING uminit ang ulo ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte dahil sa korupsiyon.
Pero sa pagkakataong ito, dahil sa biglang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo kasunod ng pagtaas ng presyo ng mga batayang bilihin, bigla rin naalala ng Pangulo ang eskandalo at korupsiyon sa Malampaya Plant.
Ayon sa Commission on Audit (COA) hanggang ngayon ay hindi pa rin nila ma-reconcile kung saan napunta ang P25 bilyong kita ng Malampaya.
Matatagpuan ang Malampaya Plant sa West Philippine Sea, ang teritoryo kung saan sinasabing may interes ang bansang China.
Marami ang nangangamba na isa sa target ng China ang oil production sa nasabing lugar kaya umano sila nagiging agresibo kapag pinag-uusapan ang West Philippine sea o South China sea para sa kanila.
Taong 1989 ito natuklasan pero nagsimula ang produksiyon ng langis noong 2001.
Ibig sabihin ilang administrasyon na ang nagdaan at wala naman tayong nabalitaan na humina o tumigil ang produkdiyon ng gas sa Malampaya pero lumalabas na hindi napupunta sa gobyerno ang bahaging dapat matanggap mula sa eksplorasyon nito.
Ang higit na masaklap, ang matuklasan natin na ang Malampaya Deepwater gas-to-power project na P900 milyones na dapat sana ay kita ng pamahalaan ay napunta sa non-government organizations (NGO) na pinatatakbo ni Janet Lim Napoles imbes ipagkaloob sa mga biktima ng bagyo at pantustos sa mga renewable energy projects.
Akala natin noong una, nang sampahan ng kaso at makulong si Napoles ay naiwawasto na ang paggamit sa pondong nanggagaling sa Malampaya, pero hindi rin pala.
Kasi, natuklasan na naman ni Pangulong Digong na hanggang ngayon ay hindi pinakikinabangan ng pamahalaan ang share mula sa Malampaya.
Tsk tsk tsk…
Idineklara ng Pangulo na hindi siya titigil hangga’t hindi natutuklasan kung saan o kanino napupunta ang kinikita mula sa Malampaya lalo na ngayong matindi ang nagaganap na inflation.
Mantakin ninyo P25 bilyones?!
Wattafak!
Imbes nakatutulong sa pangangailangan ng bansa, e iilan lang ang namumunini sa nasabing pondo — mga walang kasiyahan at kakontentohan!
Hindi ba’t isa ito sa dahilan ng pagkakakulong noon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na ginamit laban sa kanya ng administrasyong Aquino?!
Sana’y hindi mapagod si Pangulong Digong na sugpun ang korupsiyon sa pamahalaan…
Malapit man sa kanya o siya mismo ang nagtalaga sa tungkulin…
Pero sana rin, huwag namang resign lang, asuntohin din nman at panagutin sa ilalim ng umiiral batas.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap