MAGKAKASUNOD na kinompirma kahapon ang ilang bagong opisyal na itinalaga sa Duterte administration.
Kabilang sa kinompirma sina Commission on Elections (Comelec) Commissioner Socorro Inting, Department of Justice (DOJ) Sec. Menardo Guevarra, at Department of Agrarian Reform (DAR) Sec. John Castriciones.
Ngunit bago kinompirma, nagbilin si Sen. Grace Poe kay Castriciones na hindi ibabasura ang mga reklamo laban sa DAR chief, kundi ilalagay lang ang mga iyon sa bookmarks.
Muli umanong gigisahin ang nasabing mga opisyal kapag hindi tumupad sa mga pangako, sa panahon ng paghingi nila ng budget sa pagbabalik ng sesyon ng Kongreso.
Una rito, nagisa sa pagtatanong ng CA members si Guevarra dahil sa mga kontrobersiyal na resolusyong inilabas ng DOJ sa mga nakaraang buwan.
Matatandaan, nalagay sa kontrobersiya ang DOJ dahil sa resolusyon na nagbabasura sa kaso ng ilang drug lords at maging ang pagpasok noon ng binansagang “pork barrel scam queen” na si Janet Lim-Napoles sa coverage ng Witness Protection Program.
Ngunit dahil hindi pa iyon kagagawan ng bagong kalihim ng DoJ, nagdesisyon ang mga kasapi ng Commission on Appointments (CA) na kompirmahin ang opisyal sa bagong tungkulin.
Samantala, pormal na kinompirma sa plenary level ng makapangyarihang CA si Tourism Sec. Bernadette Romulo-Puyat.
Sa endoso ni Iloilo Rep. Jerry Trenas, inisa-isa niya ang mga nakamit na tagumpay at maging ang personal record ni Puyat.
Habang agaw-pansin ang pagtawag ni Senate President Tito Sotto ng “little mermaid” sa kapalit ni dating Tourism Sec. Wanda Tulfo-Teo.
Nagbitiw si Teo dahil sa mga kuwestiyon sa mga deal na pinasok ng kagawaran.
Agad din inaprobahan ng CA sa plenary level ang ad interim appointment ni Armed Forces (AFP) Chief of Staff Carlito Galvez Jr.
Ito’y makaraan italaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si Galvez, bilang kapalit ni retired AFP Chief of Staff Rey Leonardo Guerrero.
Kasabay ni Galvez, kinompirma rin ang brigadier general rank nina Rolando Rodil at Joselito Maclang.
Lusot din sina Nelson Collantes bilang brigadier general (reserve) at Emmanuel Mahipus bilang colonel ng Philippine Air Force (reserve).
(CYNTHIA MARTIN)