NAYANIG na naman ang sambayanang Pinoy sa muling pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Katataas lang ng presyo ng langis nitong nakaraang dalawang linggo pero habang isinusulat natin ang kolum na ito’y may announcement na itataas na naman ang presyo ng langis kinagabihan.
Paulit-ulit na sinasabi ng Palasyo na walang kinalaman ang Republic Act (RA) 10963 o Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN law) sa pagsirit ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Isa lang ang itinuturo nila, ang biglaang pagtaas umano ng presyo ng mga produktong petrolyo sa international market at ang paglakas ng dolyar kontra piso. Ay kawawang piso!
Kaya ibig sabihin niyan, sunod-sunod nang magtataasan ang presyo ng mga pangunahing bilihin na lalong magpapahirap sa mga kababayan nating hirap na hirap pagdugtungin ang kanilang suweldo para huwag silang sumala sa oras.
Hindi na alam ng mahihirap nating mga kababayan kung anong trabaho pa ang kanilang papasukin para madagdagan ang kanilang kita.
At ‘yun ang kalagayan ng maraming mahihirap na Pinoy, wala nang oportunidad, wala pang opsiyon.
Sinabi man ng Palasyo na hindi dapat sisihin ang TRAIN law, ano naman ang ginagawa nila para proteksiyonan ang mahihirap na Filipino sa walang humpay na pagtaas ng petrolyo?
Kinalampag man ng Palasyo ang mga departamento ng pangangalakal, paggawa at enerhiya, ano naman ang kanilang hakbang para direktang maramdaman ng ‘kumakalam na sikmura’ ng mamamayan na sila ay may konkretong aksiyon para proteksiyonan sa mataas na presyo ng bilihin ang mga mamamayan.
Papalisin ba ng kanilang mga pahayag at pangako ang nararamdamang kawalang katiyakan ng ating mga kababayan?!
Sabi nga ni Senator Panfilo Lacson, hintayin ninyong magrebolusyon ang mamamayan!
Hay naku, wala bang alam gawin ang mga nasa gobyerno kundi ang magsalita?!
Aba, umaksiyon naman kayo!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap