Friday , November 15 2024
Sipat Mat Vicencio

“Ang kapal ng mukha mo, Joma!”

WALA na talagang natitirang kahihiyan itong si Jose Maria Sison matapos na maging instant millionaire nang tanggapin ang P1.2 milyon mula sa pamahalaan ng Filipinas bilang human rights victim noong panahon ng batas militar sa ilalim ng administrasyon ng dating Pangulong Fer­dinand Marcos.

Walang ipinagkaiba ang asawa ni Joma na si Juliet na buong tapang din ng apog na tinanggap ang P1.2 milyon bilang kabayaran sa pagiging biktima ng martial law. Si Joma at Juliet ay pawang mga lider ng Communist Party of the Philippines o CPP na hanggang ngayon ay lumalaban sa pamahalaang Filipinas sa pamamagitan ng armadong pakikibaka.

Maituturing na pawang mga combatants ang mag-asawang Joma at Juliet, kaya nga kung anoman ang kanilang kahihinatnan sa gitna ng kanilang pakikibaka laban sa pamahalaang Filipinas ay kanilang pananagutan at kagustuhan.

Walang kapalit ang ginawang kabayanihan at pakikibaka ng bawat “kasama” sa kilusang lihim.  Sinasabi ng maraming kasama na hindi ipinagbibili ang pakikibaka at taliwas sa prinsipyo ng kilusan ang tumanggap ng kabayaran sa paglaban sa ilalim ng diktadurang Marcos.

Sa ngayon, marami sa mga kasama na biktima ng batas militar ang hindi kumuha ng claims dahil salungat ito sa kanilang ipinaglaban at pinaniniwalaang prinsipyo.

“Naging puwersa ka pa tapos magpa­pabayad ka rin lang naman,” sabi ng isang dating Neps (NPA) na kumilos sa Samar.

Naitatanong tuloy ng mga magkakasama sa kilusang lihim, kung saan ba kumukuha ng kapal ng mukha si Joma?  Hindi biktima ng martial law si Joma dahil pinili niyang lumaban sa pamahalaan ng Filipinas. Marami rin mga sun­dalo ang namatay at nasugatan sa paki­k­i­pagdigma sa NPA pero hindi humingi ng kapalit na pera sa CPP ang kanilang mga pamilya.

Ang tunay na claimants o biktima ng human rights ay ‘yung mga sibilyan na napatay sa crossfire ng naglalabang sundalong militar at NPA. Kabilang rin ang mga sibilyang napag­bintangang kumikilos at tumutulong sa kilusang lihim ng CPP.

Pinili ni Joma na lumaban sa pamahalaan kaya hindi masasabing biktima siya ng human rights violations ng pamahalaan ng Filipinas. At kung tutuusin, ang torture sa ilalim ng NPA ay ipinatupad din sa ilalim ng kampanyag “Ahos” at “Operation Missing Link”  o OPML.

Kung ganito ang paniniwala ni Joma, dapat ay pagkalooban din ng kaukulang kabayaran ng CPP ang mga kasamang tinortyur na walang mga kasalanan at napagbintangan lamang. Maraming naging biktima si Joma sa isinagawang torture sa isinagawang purging ng mga komunista at dapat bayaran din sila nito.

Sa pagtanggap ng milyon-milyong pisong salapi nina Joma at Juliet, makatulog kaya sila nang mahimbing? Kapal ng mukha ninyo!

SIPAT
ni Mat Vicencio

About Mat Vicencio

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *