HUMIRIT ng do-or-die Game 7 ang defending champion Golden State Warriors matapos nilang tambakan ang kulang sa armas na Houston Rockets, 115-86 kahapon sa Game 6 ng 2017-18 National Basketball Association (NBA) Western Conference finals.
Kumayod si Klay Thompson ng 35 points kasama ang siyam na 3-pointers para sa Warriors na naitabla ang serye sa 3-3 sa kanilang best-of-seven battle.
Bukod sa opensa, mahigpit na dinepensahan ni Thompson si Rockets star James Harden sa second half kaya nahabol nila ang 17-point deficit at makuha ang lamang bago natapos ang third period.
Bumakas si Stephen Curry ng 29 markers, anim na assists at limang rebounds habang may 23 si Kevin Durant para sa Warriors.
Wala nang bukas para sa Western Conference topnotcher Rockets at Warriors sa Game 7 na ilalarga sa Houston.
Namuno sa opensa para sa Rockets si Harden ng 32 puntos na may nine assists at pitong boards habang nag-ambag sina Eric Gordon at Trevor Ariza ng tig 19 at 14 puntos ayon sa pagkakasunod.
Haharapin ng mananalo sa rubbermatch ang mananaig sa pagitan ng Cleveland Cavaliers at Boston Celtics na nasagad din sa Game 7 ang kanilang banatan sa Eastern Conference. (ARABELA PRINCESS DAWA)