PINAG-UUSAPAN nila noong isang araw, approved na ng Kongreso ang national ID system. Ito iyong ID na maglalaman ng lahat ng information na kailangan ng lahat ng mamamayan at magagamit sa lahat ng transaksiyon sa gobyerno at iba pang nangangailangan ng ID.
Pero natawa kami sa tanong. Kabilang daw kasi sa impormasyong nakalagay sa national ID iyong “gender”. Paano raw kaya kikilalanin sina Jake Zyrus, Ice Seguerra, o BB Gandanghari? Ano ang ilalagay sa kanilang gender?
Napansin nga namin, sa mga publisidad ay ang ginagamit na kay Ice Seguerra ay “him” o “he”. Minsan nga may nabasa pa kaming ang tawag sa kanya ay “husband”. Pero paano sa national ID system?
Palagay namin ang mananaig diyan ay sistemang legal. Ano ba ang gender mo nang ikaw ay ipanganak? Iyon ang isang bagay na hindi naman nababago. Kung ipinanganak kang lalaki, lalaki ka. Kahit na sabihin mong nagpa-opera ka sa kung saan para palitan ang genitals mo, hindi mo pa rin mababago ang nakalagay sa birth certificate mo.
May mga kaso, kagaya nga ng sinasabi ni BB Gandanghari ay nakapag-request siya ng change of identity sa korte sa US, pero rito sa atin ano man ang sabihin niya lalaki siya. Iyan din namang si Aiza Seguerra, kahit na magsuot pa siya ng Amerikana o kahit na leather jacket nina Robin Padilla o Coco Martin, babae pa rin siya.
Kaya palagay namin, sa pagsasagawa niyang national ID system ay ganoon din naman ang mangyayari, dahil kung papayagan silang mamili ng gender aba eh malaking kalokohan na iyang national ID system na iyan. Pero paalala lang, huwag sanang babayaran ng gobyerno iyang mga ID na iyan kung hindi pa naman nagagawa.
HATAWAN
ni Ed de Leon