HINOLDAP ng tatlong lalaki, isa ang nagpakilalang pulis, ang magkaibigang negosyanteng Japanese national sa Brgy. Old Balara, Quezon City, nitong Miyerkoles ng gabi.
Sa ulat kay Quezon City Police District (QCPD) director, C/Supt. Joselito Esquivel, ang mga biktima ay kinilalang sina Shoichi Ichimiya, 49, at Morita Shuyu, 53, kapwa pansamantalang naninirahan sa V. Hotel, sa Malate, Maynila.
Sa imbestigasyon ni PO3 Bronzon Saggot ng QCPD Batasan Police Station 6, naganap ang insidente dakong 8:00 pm kamakalawa sa Commonwealth Avenue, Brgy. Old Balara ng lungsod.
Ayon sa mga biktima, sinundo sila sa kanilang hotel sa Maynila ng isang nagpakilalang Simon Marcos, at ng ‘di kilalang driver sakay ng hindi malamang behikulo may plakang (ZCGL-753).
Nagpakilala si Marcos na isang negosyante at sila ay magtatransaksiyon sa Quezon City, kaya dahil sa tiwala ay agad sumama ang magkaibigang Hapon.
Ngunit pagdating sa Commonwealth Avenue, hinarang ang kanilang sasakyan ng isang nagpakilalang pulis.
Agad pinababa sa sasakyan ang dalawang Hapon at pinaiwan ang dala nilang travelling bag at mga gamit, saka sumakay ang nagpakilalang pulis at mabilis na pinaharurot ang dala nilang get-away car.
Nabatid na ang travelling bag ay naglalaman ng P40 milyon cash; 30,000,000 yen; wallet na naglalaman ng P40,000; dalawang cellphone, at Nike backpack.
Masusing iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente at inaalam kung may CCTV sa lugar para sa pagkakakilanlan ng mga suspek na kinabibilangan umano ng nagpakilalang pulis.
(ALMAR DANGUILAN)