KRITIKAL ang kalagayan ng tatlo katao, kabilang ang 17-anyos estudyante, makaraan sumemplang ang kanilang sinasakyang motorsiklo nang takbohan ang mga pulis sa Malabon City, kamakalawa ng madaling-araw.
Ginagamot sa MCU Hospital si Jassen Delemon, 20, service crew, habang kapwa inoobsebahan sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang kanyang back rider na sina Niko Sese, 19, at Raymond Cabuenos, 17, estudyante, pawang mga residente sa Camia St., Brgy. Maysilo.
Sa imbestigasyon ni SPO3 Francisco Verzosa, dakong 3:45 am nagsasagawa ng Oplan Sita ang mga pulis sa kahabaan ng Gov. Pascual Ave., sa harap ng Petron Gasoline Station, Brgy. Catmon, nang mapansin nila ang tatlong sakay ng isang motorsiklo na pawang walang suot na helmet kaya pinara ng mga awtoridad.
Ngunit imbes huminto, humarurot ang motorsiklo kaya hinabol sila ng mga pulis at pagsapit sa kanto ng Sanciangco at Bustamante steets, Brgy. Tinajeros ay nawalan ng kontrol si Delemon sa motorsiklo naging dahilan upang sila ay sumemplang.
(ROMMEL SALES)