Monday , December 23 2024

Puwede pala kung gugustuhin, paano naman ang ibang kaso?

KUNG gugustuhin pala ng Antipolo City Police na magtrabaho para  lutasin ang krimen o isang patayan sa lungsod, yakang-yaka pala ni Antipolo City Police chief, Supt. Serafin Petalio II.

Kunsabagay, kamakailan ay nabanggit naman natin na isang magaling na opisyal si Petalio. Lamang, tila nalulusutan ng masasamang elemento ang mga bitag na inilalatag nila sa lungsod.

Hindi naman siguro lingid sa kaalaman ng nakararami na nitong mga nakalipas na linggo ay magkakasunod na patayan ang nangyari sa lungsod – pag-atake ng riding-in-tandem. Kabilang nga sa tinambangan at napatay ng tandem ay si Supt. Ramy Tagnong, PRO IVA Legal Division Chief,  nitong 4 Mayo 2018.

Pero ano na ba ang latest development sa pagpatay sa opisyal? Bago iyan, para naman walang masabi sa atin ang Antipolo City Police lalo na si Petalio, bigyan daan naman natin ang kanilang trabaho – masasabing malaking accomplishment.

Anong malaking accomplishment ba iyan? Ang paglutas sa pagpatay kay PO2 Don Carlo Mangui, isang ballistician na nakatalaga sa PNP Crime Lab sa Camp Crame. Si Mangui ay binaril sa ulo at katawan habang nakikipag-inuman sa mga kaibigan sa Brgy. Dela Paz, Antipolo City nitong Mayo 20, 2018.

Ngayon, dahil sa sinipag-sipag ng Antipolo City Police, he he he… masipag naman talaga ang tropa ni Petalio ha. Hayun, sa loob ng 48-oras ay nalutas ng pulisya ang pagpaslang sa kanilang kabaro.

Puwede naman pala kung gugustuhin ng Antipolo City Police na lutasin ang isang patayan sa kanilang nasasakupan.

Dahil sa direktiba ni PRO IVA Director, Chief Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar, na dapat malutas agad ang pagpaslang kay Mangui, kumilos agad-agad ang tropa ni Petalio. Nagsagawa ng masusing imbestigasyon at paniniktik ang mga tauhan ng opisyal.

Sa tulong na salaysay ng isa pang biktimang nakaligtas matapos na idamay ng gunman. Naaresto ang isa sa tatlong suspek – ang gunman na si Crispin Pormal Corpin, residente ng Brgy. Dela Paz, Antipolo pero siya ay nadakip sa kanyang pinagtataguan sa Brgy. San Isidro, Antipolo.

Nitong 22 Mayo 2018 dakong 9:33 am nang madakip si Corpin. Pinatay ang pulis nitong Linggo, 20 Mayo dakong 1:45 am. Kung baga, nalutas ni Petalio sampu ng kanyang mga  tauhan ang kaso sa loob ng mahigit sa 48-oras.

Iyan si Petalio o ang Antipolo Police, masisipag at magagaling. Kung baga, hindi na kailangan pang rendahan ni Eleazar para kumilos.

Congratulations Supt. Petalio at sa buong Antipolo City Police. Saludo po kami sa inyo.

Sir, Petalio, pupuwede naman pala e, kung gugustuhin. Hehehe. Ang galing n’yo po sir. Masasabing nakamit na ng pamilya ni Mangui ang katarungan. O, isunod na rin ninyong arestohin ang dalawa pang kasabwat ng gunman.

Si Mangui nga pala ay pinaslang sa pag-aakalang siya ang nagbibigay ng impormasyon sa PDEA kaugnay sa tulakan ng droga sa Brgy. Dela Paz.

Ano pa man, Supt. Petalio, kailan naman ninyo lutasin ang pagpaslang kay Tagnong, at sa barangay chairman na kamakailan ay itinumba ng tandem sa barangay/SK election? Naniniwala naman tayo na inyo itong malulutas ito.

Hindi ba mga kababayan?

AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan

About Almar Danguilan

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *