NAKATUTUWA at nakalulungkot. Doon muna tayo sa nakatutuwa. Ipinagmamalaki naming isang artista ang bagong presidente ng Senador, si Senate President Tito Sotto. Ibig sabihin, sa darating na SONA, si Tito Sen na ang nakaupo sa harapan, sa likod ni Presidente Digong.
Nagkaisa ang 14 na senador na siya ang gawing senate president, kapalit ni Senador Koko Pimentel, at sa final count nang pati siya ay iendoso ni Pimentel, sinasabing nakatanggap siya ng 16 na boto. Iyong oposisyon naman, kabilang si Senador Kiko Pangilinan na asawa ng pamangkin ni Tito Sen na si Sharon Cuneta ay hindi bumoto. Kung natatandaan ninyo, noong araw ay naging issue iyan at nagbunga ng samaan ng loob nang sinasabing hindi rin sinuportahan ni Tito Sen ang ambisyon ni Senador Kiko na maging senate president. Umurong si Pangilinan noon dahil nakita naman niya na hindi siya makakakuha ng majority 13 votes laban sa dating Senate President Juan Ponce Enrile. Si Enrile ang sinuportahan ni Tito Sen. Para kasi sa kanya, mas mahalaga ang kapakanan ng bayan kaysa pagiging magkamag-anak.
Natural sisiraan din ng oposisyon si Tito Sen bilang senate president, pero maliwanag ang respeto sa kanya ng mga kasamahan niyang senador dahil siya ang pinaka-beterano sa senado sa kanilang lahat.
On the other hand, hindi namin masabi kung nakalulungkot ba o nakatutuwa ang balitang mabilis na tinanggap ni Presidente Digong ang resignation ng artistang si Cesar Montano bilang COO ng Tourism Promotions Board. Matatandaang noong una, may mga empleado ang TPB na nagpadala rin ng sumbong sa presidente laban kay Cesar, pero hindi iyon pinansin ng pangulo, kaya nga may naniniwala na baka hindi rin naman siya maapektuhan nitong bagong akusasyon ng anomalya.
Itinuro pa niya si dating Secretary Wanda Teo na siya ang mas responsable sa kanilang P80-M Buhay Carinderia deal. Iyan ding sinabi niyang iyan, ewan kung hindi papalagan iyan ng mga Tulfo.
Ang malungkot lang diyan, hindi matatapos iyan sa resignation ni Cesar, dahil maliwanag naman ang sinabi ni Secretary Berna Puyat na magpapatuloy ang imbestigasyon ng Commission on Audit at ieendoso niya ang pagsasampa ng kaso kung talagang may anomalyang makikita.
Iyong kaso ni Cesar, baka nga hindi mo matatawag na “courtesy resignation”. Nawalan na kasi siya ng choice nang tuloy-tuloy na siyang kinukuwestiyon dahil sa kanyang carinderia deal. Mukhang hindi rin pinakinggan ng publiko ang statement niya na ginawa siguro ng kanyang publicity planners na mas malaki ang kita niya bilang artista kaysa Carideria deal na iyon.
Nalulungkot din kami sa naging katapusan ng political career ni Cesar. Natalo siya sa lahat ng eleksiyong pinasok niya, ngayong nailagay siya sa isang government position, naakusahan pa siya ng ganyang bagay. Siguro nagkulang din siya sa pag-iingat.
HATAWAN
ni Ed de Leon