ISANG blogger ang role ni Xia Vigor sa pelikulang Familia BlandINA kaya naman ganoon na lamang ang kanyang excitement.
“Marami pong makare-relate na mga tao kasi marami po ang gustong maging blogger, mag-youtube. Kasi marami na ang mahilig magganito. Halos lahat po kasi dream maging blogger. Ako po sobrang thankful ako dahil naging blogger ang role ko rito,” sambit ni Xia nang mag-set visit kami sa shooting nila sa Plaridel Bulacan.
Ani Xia, mga simpleng bagay lang ang ibina-blog niya sa pelikula, tulad ng tungkol sa pamilya.
Natutuwa rin siyang makatrabaho si Karla Estrada. Isa siya sa tatlong anak ni Karla at aniya, ”Sobrang masaya po ako, ano po siya perfectionist, at kapag alam niyang may mali siya pinapaulit niya po talaga. Gusto niya maraming nagagawang eksena kaya lagi niyang sinasabi, ‘galingan na natin guys para next scene na agad tayo.’ Lagi niyang ibinibigay ang best niya.”
Hindi naman nahirapan si Xia sa kanyang role na isang Inglisera dahil sa totoong buhay, ganito na siya. ”Feeling ko nga po, perfect ang role na ito sa akin kasi dream ko po talagang maging blogger na sikat. Ngayon sa movie na ito, tinupad nila ang dream ko.”
Pagbabalita pa ng bagets, may Youtube channel siya ukol sa mga slime, at kung ano-anong simpleng bagay. May 20K siyang followers, aniya.
“Super thankful din ako sa producers kasi kami ang magkakasama rito sa movie. Kahit hindi ko pa sila nakakasama before alam kong mababait talaga sila.” Bukod kay Karla, kasama rin sa Familia BlandINA sina Jobert Austria, Marco Gallo, Xia Vigor, Marissa Delgado, Buboy Garovillo, at Twinkel na idinidirehe ni Jerry Lopez Sineneng mula sa Arctic Sky Productions at Star Cinema.
Samantala, huling teleserye ni Xia ang Langit Lupa at sa pelikula naman ay ang My Perfect You.
Aminado ang batang aktres na maarte siya kaya enjoy siya sa pelikula na super arte rin ang role niya. ”Mahilig kasi po ako sa make-up eh. May make-up tutorial nga po ako.”
Dream namang makasama ni Xia at makatrabaho bukod kay Jaclyn Jose si Sharon Cuneta na nahawa sa pagiging fan ng kanyang ina sa Megastar.
Sa kabilang banda, regular schooling pala si Xia na Top-1 sa Headway School for Giftedness. Malaki ang puso ni Xia sa mga special children kaya roon siya nag-aral. Feeling kasi niya hindi tamang nabu-bully ang mga ito at mas masaya siyang nakakasama sila.
“Alam ko ang feeling nila kasi lahat naman may kanya-kanyang gifts. Kailangang tanggapin nila ‘yun kasi may rason si Jesus kung bakit sila naging ganoon. Sila ang kinakaibigan ko at ipinagtatanggol ko siya sa mga nambu-bully,” giit pa ni Xia.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio